Palapit Na Banta Sa Bansa

BASE SA mga nakuhanang larawan ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) nito lamang September 8, mayroon na namang sinisimulang construction sa Mischief Reef, isa sa mga reclaimed inlands na ginawa ng China sa Spratly archipelago.

Base sa report ng CSIS, ito ay maaaring isang mahabang runway ng mga military aircraft ng bansang China. Aabot ito umano sa habang 3,000 meters, kung saan ay papalapit ito sa Reed Bank, kung saan ang Pilipinas ay matagal nang nililinang ang bahaging karagatang ito para sa paghahanap ng langis.

Hindi naman bago sa Pilipinas ang paghahanap ng langis sa bahaging ito na tinatawag nating Reed Bank. Matagal na rin kasi noon unang nakalinang ng langis ang Pilipinas sa Palawan, kung saan malapit din at maihahalintulad sa Reed Bank.

Ang mga lugar na ito ay bahagi pa ng ating nasasakupang karagatan base sa UNCLOS at naideklarang maritime territory ng Pilipinas noon pang dekada sitenta.

Ang bagong construction na ito ay tiyak na maglilimita sa galaw ng ating hukbong dagat dahil gaya na ng ginagawa ng China sa mga nauna nitong sinakop na teritoryo ng Philippine Sea, pinalalayas nila ang mga mangingisda at pati mismo ang Philippine Coast Guards na nagpapatrolya rito.

Bakit tila walang ibang magawa ang Pilipinas sa lumalalang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas? Hindi naman napipigilan ang China sa patuloy nitong pagpapatayo ng mga military facilities kahit pa patuloy rin ang ating protesta sa UN.

Baka kailangang gumawa ang Pilipinas ng ibang estratehiya at paraan para matigil ito upang maprotektahan natin ang ating bansa. Papalapit nang papalapit ang banta ng pananakop sa ating bansa, ngunit wala tayong magawa kundi ang magreklamo gamit ang ating tinig, ngunit tila wala nang nakaririnig dito.

 

ANG PANGULO ng bansang China na si Xi Jimping ay nakatakdang bumisita sa Washington sa susunod na linggo. Inaasahan ng marami na tiyak na mapag-uusapan dito ang kontrobersiya at tensyon sa pagitan ng China at mga bansa sa Asia na may kani-kaniyang interes sa karagatan ng Spratly.

Ang Pilipinas bilang malapit na kaalyado ng US ang pinakaapektado ngayon sa bagong proyektong militarisasyon ng China. Umaasa tayo na makikinabang ang Pilipinas sa diplomasyang maaaring isulong ng US para wakasan na ng China ang unti-unti nitong pagsakop sa ating karagatan.

Ang pinakapinangangambahan ng mga kritikong grupo na laging tumutuligsa sa US, ay ang posibleng paglaglag sa atin ng US sa usaping Spratly. Baka sa huli ay ang kapakinabangan lamang ng US at China ang bubuod sa usapan ng dalawang pinunong malalakas, makapangyarihan, at mauunlad na bansa sa buong mundo.

Kawawa tayo sa huli kung magkakaganito. Ngunit panatag naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa panig natin ang US. Katunayan ay ipinagmamalaki ng DFA ang pressure na dulot ng arbitration case sa pagpapatigil ng China sa ginagawa nitong patuloy na reclamation sa Spratly archipelago. Kaya lang hindi talaga sapat ito dahil baka bukas makalawa ay ang Palawan na mismo ang sasakupin ng China.

Hindi malayong mangyari ito kaya naman dapat ay kumilos na ang ating pamahalaan. Sa isang pag-aaral ay mayroong na-establish na isang pattern ng pananakop na ginagawa ng China. Pinalalaki nito ang nasasakupan ng kanilang hukbong sandatahan gamit ang framework na militarization. Magiging mas malakas kasi ang kanilang kapangyarihang manakop kung sa mismong lugar ay nakapagtayo na sila ng kanilang military bases.

Ito mismo ang nagaganap ngayon sa karagatan ng Spratly at nakababahalang ilang kilometro na lamang ngayon ang layo nito mula sa baybayin ng Palawan. Kung magpapatuloy ang bagong military base na itinatayo nila, kapag natapos ito ay anumang oras ay madali na nilang masasakop ang Palawan at wala tayong kalaban-laban dito.

SA TINGIN ko ay ang pagpayag ng Pilipinas sa pagbabalik ng mga US bases dito sa atin ang pinakapraktikal at may dating na hakbang ng ating pamahalaan para mapigilan ang ginagawa ng China ngayon.

Maaaring maging kontrobersyal ito at tingnan bilang radikal na pagdedesisyon, ngunit tila wala na tayong masyadong option para pigilan ang China. Kung makapagtatayo muli ng base military ang US sa bansa ay matatapatan na nito ang mga barkong pandigma ng China. Magkakaroon din ng direktang interes ang US para protektahan ang Pilipinas at mga base militar nito.

Sabihin na nating ito ay isang uri ng pagpili na tinatawag nating “lesser evil”. Ngunit kailangan nating gawin ito dahil nakasalalay ang ating absolute sovereignity rito. Noong panahon na nandito ang US bases ay hindi natin nagiging problema ang ganitong pananakop at pang-aagaw sa ating teritoryo. Hindi rin makalapit ang mga barko ng China sa Philippine Sea. Kailangan lang nating maging bukas at mas lawakan natin ang ating pagtingin para sa pinakamahalagang interes ng ating bansa.

Maaari sigurong gawin ang usaping ito bilang bahagi ng mga isyu na tatalakayin ng mga kakandidato sa susunod na eleksyon. Kailangang harapin na ang posibilidad na maibalik ang mga US bases sa bansa. Kailangang makita natin ang pananaw ng mga future leaders natin sa 2016 tungkol sa usaping ito.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843. 

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePagseseguro sa kalusugan ng nasa Informal Sector
Next articleChristian Bautista: Sikat at Masigasig na Singer

No posts to display