Palpak!

NOONG PANAHON ni Pangulong Ferdinand Marcos, hindi naman kaila na magaling ang dating pangulo ngunit ang problema ay naging diktador ito at nagnakaw umano ng katakut-takot. Tumagal din siya nang 20 taon sa puwesto na naging bangungot sa lahat ng mga Pilipino noong panahong iyon.

Sa panahon naman ni Pangulong Cory Aquino na ina ng kasalukuyang Pangulo ay naging kampante ang mga mamamayan dahil alam nilang isang ina sa puso at isipan ang pumalit sa dating malupit na diktador. Ang naging problema ay dahil sa galit, paghihiganti at poot sa dating diktador, na hinihinalang nagpapatay sa kanyang asawa, naging malamig ang administrasyong Aquino sa mga proyektong nasimulan ni Marcos at tuluyan na itong ibinaon sa lupa. Pumalpak ang ekonomiya sa administrasyong Cory Aquino at pinulaan ito bilang mahina at incompetent na pangulo.

Ang administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo naman ay tampulan ng mga pagnanakaw, pandaraya at pagsisinungaling, ngunit hindi maitatanggi na kahit papaano ay umunlad naman ang ating ekonomiya sa panahon niya.

ANG KASALUKUYANG administrasyong Noynoy Aquino ay halos papatapos na ang termino. Maraming pagsubok din ang dumaan sa kanyang administrasyon at kadalasan ay palpak na resulta ang kinalalabasan nito.

Mula pa sa unang taon ni Pnoy, kung saan sinubok siya ng isang malagim na hostage-taking sa Quirino Grandstand sa Luneta, na kumitil sa buhay ng maraming Hong Kong nationals na turista. At ngayong papatapos na ang termino ni PNoy ay muli siyang sinubok ng panahon, kung saan 44 SAF commandos ang napatay sa Mamasapano.

Ang kritisismo ng marami ngayon ay sinasabi nilang ang administrasyong Noynoy Aquino ay palpak sa maraming aspeto, pero hindi naman daw kurakot. Ngunit mabigat ang paratang ng marami na siya ay mayabang at hindi marunong tumanggap ng pagkakamali.

PALPAK NGA raw ang administrasyong Aquino sa maraming bagay. Saan ka naman nakakita ng administrasyong nagtaas ng pasahe sa MRT ng halos doble ang presyo sa gitna ng matinding kahirapan dahil sa pagtaas ng mga bilihin at bayarin sa bahay?

Kataka-taka rin na magtaas ang pasahe sa kabila ng mga problema ng MRT. Halos araw-araw ay nasisira ito at napeperhuwisyo ang maraming mga mananakay nito sa pagkahuli nila sa kanilang mga trabaho at pupuntahan. Sira-sira na rin ang mga escalator at elevator na nagbibigay ng kaginhawaan sana sa mga matatanda, buntis at may kapansanang pasahero ng MRT. Luma ang mga bagon at riles, at malimit na magkaroon ng aksidente ang tren, kung saan minsan ay bumangga at lumabas ang tren sa kalsada ng EDSA.

Ang sistemang edukasyon ay nagkakagulo rin ngayon dahil sa epekto ng K-12 at pagkakasuspende nito dala ng TRO mula sa Korte Suprema. Ang mga gamit pandigma na bibilhin ay palpak ang transaksyon at pawang mga luma at hindi tama sa kontrata ang mga pagbiling ginawa.

WALA RING magawa ang administrasyon sa patuloy na pambu-bully ng bansang China sa Pilipinas at pag-angkin nito sa mga isla sa Spratly na ating tunay na pag-aari. At ngayon ay ang kaguluhan sa pagitan ng mga pulis at militar dala ng kapalpakan sa pagpaplano sa ginawang pagdakip sa isang terorista sa Mindanao.

Sa kabila ng lahat ng mga kapalpakan na ito, ang mas nagpapabigat sa kalooban ng mga tao ay ang patuloy na pagmamatigas at pagiging mayabang ni PNoy. Tila hindi siya marunong tumanggap ng pagkakamali niya at patuloy ang kanyang paninisi ng ibang tao upang linisin ang kanyang sariling dumi.

Ang trahedyang Quirino Grandstand hostage-taking, halimbawa, ay isang malaking kapalpakan sa paghawak ng sitwasyon na ikinamatay ng maraming turistang Tsino. Humiling lamang ng isang pagpapaumanhin o “apology” ang Hong Kong, ngunit tumanggi rito si PNoy, kaya naman naging mahaba pa ang epekto ng trahedyang ito. Maging ang mga kababayan nating OFW ay napagmalupitan at naging biktima ng galit ng mga Tsino sa Hong Kong. Noon pa man ay talagang kinakitaan na ng tila pagmamatigas at kayabangan ang ating kasalukuyang pangulo, isang bagay na hindi natin nakita sa kanyang ina na si Cory.

NGAYON NA nahaharap sa isang mabigat na paratang ang Pangulo, patuloy pa rin ang pag-iwas nito sa responsibilidad at pawang paghuhugas ng kamay ang kanyang ginagawa. Sa inilabas na resulta ng Board of Inquiry (BOI) ng PNP, malinaw ang pagsasangkot sa Pangulo bilang isa sa mga responsable sa palpak na pagpaplano ng Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF-commandos. Hindi pa rin humingi ng “sorry”, “apology”, o paumanhin ang Pangulo. Bagkus ay pilit nitong nililinis ang sarili sa kanyang responsibilidad.

Malinaw naman ang pagsira ni PNoy sa tinatawag na “Chain of Command” sa pag-aatas kay dating PNP Chief General Alan Purisima na pakialaman ang pagpaplano sa Oplan Exodus sa kabila ng suspensyon nito bilang PNP Director, ngunit nagmamatigas ang administrasyon sa pagsasabing walang ginawang mali ang Pangulo.

Ang inyong lingkod ay napapanood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:45 am hanggang 12:30 nn. At sa T3 Enforced naman pagsapit ng 12:30 nn hanggang 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin.

Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM

at sa lahat ng Radyo5 sa Visayas at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918- 983-8383 para naman sa T3.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleGinamit ang Apelydio ng Asawa
Next articleSelf-Service Ang Food

No posts to display