Palpak na bill ni Rep. Winnie Castelo

KAMAKAILAN AY NAGPASA si Quezon City 2nd Dist. Rep. Winnie Castelo ng isang panukalang batas tungkol sa lotto.

Sa House Bill 4774, ipinanukala ni Castelo na dapat daw ay magbigay ng balato sa ating pamahalaan ang sinumang tumama o manalo sa lotto.

Ayon sa panukala ni Castelo, dapat magbigay ang isang lotto winner ng 20% sa gobyerno bilang balato.

“Talaga namang namimigay ang lotto winner ng balato sa kanyang mga kamag-anak, kaibigan at mga kakilala, kaya dapat magbigay na rin siya ng balato sa pamahalaan.”

‘Yan parekoy ang pahayag ni Castelo na may halong kaun-ting kabobohan at malaking kalokohan!

Kabobohan: Hindi kaya alam ni Rep. Winnie Castelo na bago idinedeklara kung magkano ang dapat mapanalunan sa lotto ay tadtad na muna ito ng mga deduction?

Kasama na diyan ang buwis, operational expenses at kung anik-anik pa na sa totoo lang, ang PCSO lamang ang nakaaalam kung kani-kaninong bulsa pa ang kanilang paglalagyan ng kani-lang mga ibinawas!

In short, “tira-tirahan” o kapiranggot na lang na maituturing ang idinedeklarang halaga na siyang sabay-sabay na ipinagdarasal ng mga tao na mapapanalunan.

Malaking halaga lang ito kung titingnan, parekoy, pero kung aalamin mo ang kabuuan ay “buto-buto” na lang ang nakararating sa lotto winner.

Na gusto pang basagan ni Castelo ng 20%. P’we!

Kalokohan: Ayon sa Castelo bill, silbi-balato raw para sa pamahalaan ng isang lotto winner ang nasabing 20%, tutal eh, namamalato rin ito sa iba.

Pesteng buhay ito oo, matanong nga kita Congressman Castelo, sa pagkakaalam mo ba, ang balato ay may fix na halaga o percentage?

Kung ang sinasabi mo ay balato, huwag mong didiktahan ang winner kung magkano ang gusto niyang ipamalato!

At lalong wala kang pakialam kung sinu-sino ang gusto niyang balatuhan!

Bakit, kung ang mga o-pisyal ba ng gobyerno ang nagnanakaw ng milyones, lalo na sa inyong mga CDF o PDAF, inoobliga ba namin kayo na balatuhan kami?

At kung ang isang lotto winner ay mamigay man ng balato sa kanyang KKK (kamag-anak, kaibigan at kakilala), wala ka nang pakialam doon!

Ang dapat mo sigurong pakialaman ay ang KKK ng pangulo.

‘Yan ay kung totoo na malapit sa puso mo ang mahihirap.

P’wera lang kung isa ka rin sa mga pulitiko na nagkukunwaring maka-mahirap para lang yumaman!

At higit sa lahat… P’we sa mga pulitikong mapagkunwari!

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMga buwaya sa Balintawak
Next articleWalang warrant of arrest

No posts to display