DALAWA PO KAMING magkaibigan na kauuwi lang galing Jeddah. Laking gulat namin nang malaman naming may pumasyal sa mga bahay namin at tinatanong kung kami ay nag-enrol bilang iskolar sa computer programming sa ilalim ng TESDA. Pinadaaan daw ang pondo sa isang school na accredited ng TESDA dito sa aming lugar. Siyempre hindi kami naging iskolar dahil mahigit dalawang taon kaming nasa labas ng bansa. Mukhang raket po ito. At baka mas marami pa ang nabiktima. Ano po ang sabi ng TESDA tungkol sa bagay na ito? Sino po ang puwedeng pagsumbungan?
—Nory ng Mandaluyong City
TAMA KA, RAKET ‘yan. At iniimbestigahan na ang TESDA tungkol sa bagay na iyan. Mga “ghost scholars” ang tawag sa inyo. Sa listahan ng gob-yerno, nandu’n ang mga pangalan n’yo bilang scholar pero ibubulsa nila ang pera. Daang milyong piso ang involved d’yan. At hindi ko alam kung ano na ang aksyong ginagawa ng TESDA tungkol dyan. Kawawa naman ang mga OFW. Hindi na tinutulungan ng gobyerno, nagagamit pa ang mga pangalan sa mga kalokohan ng mga magnanakaw sa gobyerno!
Kung sa Mandaluyong ka nakatira, sakop ka ng district office ng TESDA. Magsumbong ka sa director nitong si Mrs. Lourdes Villanueva. Pero datihan na rin ‘yang Mrs. Villanueva na ‘yan d’yan. Sa panahon n’ya naganap ang mga pekeng iskolar na ‘yan. Pero subukan mo pa rin.
‘Yan ang problema ni P-Noy sa ating gobyerno. Pinalitan n’ya nga ang mga ulo ng ahensya ng maaayos na tao. Pero bulok pa rin ang mga nasa ilalim. Buo pa rin ang mga sindikato sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo