NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Irereklamo ko lang po sana iyong isang teacher sa Manuel Luis Quezon High School sa may Tala, Caloocan dahil namamahiya po ng mga estudyante. Katunayan nga po ay isang batang ‘di makabasa ay kinunan n’ya ng video at in-upload sa Facebook. Naging tampulan tuloy ng tukso ang bata at magulang. Sana po ay maaksyunan ninyo. Salamat po.
Irereklamo ko lang po ang Captain Jose Cardones Memorial Elementary School dito sa Taguig dahil sa paniningil para sa film showing na P260.00 bawat estudyante.
Sana po ay matulungan ninyo ang mga residente ng San Isidro, Rodriguez, Rizal dahil sa sirang daan. Kawawa po ang mga estudyante ng elementary at high school ng San Isidro, sobrang putik at marami ring dumaraan na malalaking truck. Sana po ay maaksyunan.
Ang Talomo National High School sa Davao City ay mataas maningil ng PTA. P650.00 ang sinisingil sa bawat estudyante. Hindi nila binibigyan ng exam ang mga bata kung hindi sila nakabayad.
Ire-report ko lang ang Pagsawitan Elementary School sa Sta. Cruz, Laguna dahil naniningil po ng P50.00 para pambili ng electric fan.
Pakiimbestigahan po ang Misamis Oriental General Comprehensive High School dahil mahal ang bayad sa PTA. Naniningil po sila ng P550.00. Wala naman po silang ipinapakitang liquidation kung saan napunta ang ibinayad namin.
Concerned citizen lang po, irereklamo ko lang po iyong ginagawang paniningil ng mga guro sa Dibacong Elementary School sa Casiguran, Aurora dahil naniningil po siya ng P1,300.00 para pampa-xerox ng libro dahil wala raw pong libro para sa Grade 1. Ang kaso po ang gusto n’ya ay sa kanya lang magpapa-xerox ang mga magulang.
Isa po akong concerned citizen dito sa Sta. Rosa, Laguna. Irereklamo ko iyong ginagawang tulay rito sa amin sa may National Road malapit sa Centennial Park. Sobrang abala na po talaga ang traffic sa lugar na ‘yon dahil wala nang kahit isang gumagawa ng tulay at iniwan na nilang nakatiwangwang. Hindi ko alam kung sa munisipyo o sa DPWH ang project na ito. Pakikalampag naman kung sino ang responsable rito.
Isasangguni ko lang po ang paniningil ng basurero ng truck sa Salawag, Dasmariñas, Cavite dahil bawat hakot nila ay P30.00. Wala silang resibo, tanging garbage collection stub lang ang ibinibigay nila. Gusto po naming malaman kung legal ba ito?
Magpapatulong lang po sana kaming mga magsasaka rito sa Sitio Calumpit, Brgy. San Vicente sa Sablayan, Occidental Mindoro tungkol sa barangay road namin. Ilang dekada na at hanggang ngayon ay putul-putol pa rin. Hirap po kaming magpalabas ng mga inani namin.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536.
Shooting Range
Raffy Tulfo