Dear Atty. Acosta,
MAGANDANG ARAW po! Isa ako sa libu-libo ninyong tagasubaybay. Meron po akong katanungan at sana ay matulungan ninyo ako. Ako po ay kinuha ng isang kumpanya bilang Warehouse Supervisor. Ako ay pumirma sa kanila ng 6 na buwang kontrata mula August 2009 hanggang February 2010. Ngunit nakasulat sa aking kontrata na ano mang oras ay maaari akong tanggalin sa kumpanya kapag nabigo akong patunayan na ako’y karapat-dapat na maging regular employee. Matapos ang mahigit na dalawang buwang pagtatrabaho ay tinawagan ako ng manager ko at sinabing hindi raw nagustuhan ng presidente ng kumpan-ya ang aking trabaho kaya huling araw ko na raw iyon. ‘Di po ba dapat ay inabisuhan ako ng management bago pa ang huling araw ko na ako ay tatanggalin na? May laban po ba ako kung sakaling magsasampa ako ng kaso?
Aurora Sabado
Dear Aurora,
ANG KONTRATANG pinirmahan mo ay isang probationary contract dahil ito ay ayon sa pamantayan ng isang probationary employment na nakasaad sa Artikulo 281 ng Labor Code. Ayon dito, ang probationary employment ay tumatagal lamang ng anim na buwan maliban na lang kung ang empleyado ay sakop ng isang apprenticeship agreement na nangangailangan ng mahabang panahon para magsanay. Kinakaila-ngan na patunayan ng empleyado na siya ay karapat-dapat na maging regular employee sa panahon ng kanyang probationary employment. Ang estado niya ay hindi katulad ng regular employee na may security of tenure o karapatang hindi matanggal sa trabaho maliban na lang kung ang dahilan ay isa sa mga just causes o authorized causes na nakasaad sa Labor Code.
Ayon sa Artikulo 281 ng Labor Code, ang probationary employee ay maaaring tanggalin ano mang oras kahit na hindi pa tapos ang kanyang kontrata kung sa tingin ng employer ay hindi siya pumasa sa panuntunan ng kompanya para maging regular employee. Ngunit para maging legal ang pagkakatanggal sa kanya, kinakailangan na ang panuntunang ito ay ipinaalam sa empleyado bago pa niya tanggapin ang trabaho. Samantala, maaari pa ring matanggal ang probationary employee sa trabaho kung ginawa niya ang isa sa mga sumusunod na just causes sa ilalim ng Artikulo 282 ng Labor Code: Serious misconduct or willful disobedience by the employee of the lawful orders of his employer or representative in connection with his work; Gross and habitual neglect by the employee of his duties; Fraud or willful breach by the employee of the trust reposed in him by his employer or duly authorized representative; Commission of a crime or offense by the employee against the person of his employer or any immediate member of his family or his duly authorized representative; and Other causes analogous to the foregoing.
Sa kabuuan, ang isang probationary employee ay maaari lamang tanggalin sa trabaho sa mga nabanggit na kadahilanan. Ngunit sa iyong salaysay, binanggit mo na tinanggal ka dahil hindi nagustuhan ng presidente ng kumpanya ang trabaho mo. Ito ay hindi isa sa mga dahilan para tanggalin ang isang probationary employee. Kaya ikaw ay maaaring maituring na illegally dismissed ng kumpanya. Maaari kang magsadya sa Dapartment of Labor and Employment na may sakop sa lugar kung saan matatagpuan ang kumpanyang nagtanggal sa iyo para maghain ng reklamo. Magiging malakas ang iyong laban kung mapapatunayan mo na ang dahilan ng iyong pagkakatanggal ay hindi isa sa dalawang nabanggit na kadahilanan sa ilalim ng Artikulo 281 ng Labor Code.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta