ISA SI Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa mga dumalo sa aking birthday celebration noong Biyernes ng gabi. Nang gabing lamang iyon una kong nakaharap nang personal ang sports superstar. Isang bagay ang aking napansin sa kanya na labis kong ikinaha-nga. Kung gaano siya ka-super sikat, ganoon din ang katumbas ng kanyang pagiging super pakumbaba – ibig sabihin, wala sa pagkatao niya ang pagiging mapagmataas. Sa loob ng ring, wala na sigurong babangis pa sa boxing champ. Pero sa labas nito, si Manny ay magalang at malumanay sa kanyang kapwa. Hindi tulad ng ibang mga celebrity na dating galing din sa hirap at nang sumikat ay pinirito na ng kayabangan ang utak, si Manny ay marunong pa ring tumanaw sa kanyang pinanggalingan. Kamakailan, nagkaroon ng 360 degrees na pagbabago sa lifestyle ni Manny na ako mismo ay nakapansin. Naging napakarelihiyoso na niyang tao. Sa aming pag-uusap, maraming beses siyang nag-quote ng mga verses sa Bible. At parang pastor, kabisado niya ang mga nakasulat sa bibliya. Batid ko na ang paggamit niya ng mga salita sa Bibliya ay hindi para magpasikat kung ‘di para ibahagi sa akin ang kanyang kaalaman sa mga salita ng Diyos na animo’y nangungumbinsi sa kanyang kausap na maging maka-Diyos na rin. Bago siya kumain, matagal din siyang pumikit at nagdasal. Umugong noon ang balitang malakas magsugal si Manny, pero tinigil na niya ito. Bukod pa rito, kinukumbinsi niya ngayon ang kanyang mga dating kasugal na barkada na tumigil na rin. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng ilang beses sa isang araw ng mga text messages mula sa mga bersikulo ng Bibliya sa kanila.
Nang kumanta ang isang seksing aktres sa entablado, pabirong binulungan ko siya na may crush yata sa kanya ang nasabing aktres, ngunit ngumiti lamang siya at iniba niya ang usapan at ibinalik ang pag-uusap tungkol sa bibliya. Tila ako ay nasupalpal. Hindi na kasi lingid sa kaalaman ng karamihan na dating playboy si Manny. Biniro ko naman siya na baka sa kanyang pagiging relihiyoso ngayon, ito ang magpapatalo sa kanyang mga laban dahil maaawa na siyang bugbugin ang kanyang kalaban sa ring. Pabiro rin naman niya akong sinagot na “bubugbugin ko pa rin ang kalaban, pero pagkatapos ng aming laban, hihingi ako ng sorry kay Lord”.
Ngunit ang hindi ko makalimutan na salitang binitiwan niya ng gabing iyon sa aming pag-uusap ay “ang tunay na kaligayahan ay wala rito sa mundo kung hindi sa kabilang buhay na walang hangganan”.
SIMULA NGAYONG araw, ang WANTED SA RADYO ay pansamantalang muling mapapakinggan sa oras na 12:30-2:00pm sa 92.3 News fm Radyo5. Ito ay para bigyang-daan ang coverage sa impeachment trial sa Senado. Ito ay mapapakinggan Lunes hanggang Huwebes sa nabanggit na oras at pagdating ng Biyernes, break ng impeachment, ito ay babalik sa dating oras na 2-4pm.
Ang T3 ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes sa oras na 5:15-6:00pm sa TV5. Samantalang ang WANTED naman ay mapapanood sa bago na nitong oras pagkatapos ng Pilipinas News Live, tuwing Lunes, sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo