MASAYANG HUMARAP SA amin ang mag-amang Freddie Webb at Fritz Webb sa Yaku Japanese restaurant sa Podium na pag-aari ng anak nitong si Jason Webb. Sa paglaya ni Hubert Webb, naging masaya’t maligaya na ngayon ang pamilya Webb.
Kinumusta namin si Hubert, ano na ang latest update tungkol sa kanya? Siyempre, hindi maiiwasan itanong ang kaso ng Vizconde Massacre, kung saan ang primary suspect ay si Hubert na nahatulang guilty nang dalawang beses, RTC and Court of Appeals.
Nakulong si Hubert ng more than 15 years, 5 years sa Parañaque City Jail at 10 years and four months sa Muntinlupa. Lumaya lang ito last December, 2010 matapos hatulan ng “not guilty” ng Supreme Court. “After 3 days, saka pa lang ako na-relax na nasa piling na namin si Hubert. He was 26 when he entered prison at ngayon ay 42 na siya. But he’s here now with us, magkakasama na kami. ‘Yung last Christmas ang puwede kong sabihing pinakamasayang Paskong pinagsaluhan namin. Everybody was there, masaya kaming lahat dahil nand’yan si Hubert,” say ng dating Senador.
Kahit ganoon ang nangyari kay Hubert, naniniwala pa rin ang pamilya Webb in the justice system dito sa Pilipinas. Hindi sila nawalan ng pananalig sa Diyos na magiging maayos din ang lahat. “Gumewang ang mundo namin pero sino ba ang aasahan namin kung hindi siya? Patuloy ang dasal ng aming pamilya. Noon, nasabi ko, God bless Judge Tolentino. Pero alam kong isang araw, maa-acquit din ang anak ko.
“Tuwing linggo for 15 years, we made it a point to visit him. Namamalengke at nagluluto ang misis ko nang Sabado at sama-sama kaming pupunta kay Hubert para kumain at magdasal. Hindi namin iniimbita ang sinuman sa pamilya namin. Basta kusa silang dumarating ‘pag araw ng Linggo.
“I always believe na lahat ng nangyayari sa atin ay may dahilan. Masakit lang talaga dahil despite the pieces of evidence na inilatag namin noon, hindi ‘yun nabigyan ng importante ng husgado kaya nakulong pa rin si Hubert nang more than 15 years,” pahayag ng actor/politician.
Lesson na natutuhan ni Hubert from this experience? “Minsan, ‘pag binibigyan ka ng pagsubok only God knows that you will be able to carry it. Never fall in your trust in God. Hubert was not the only person who was innocent na nandu’n. Pero kahit na sabihin pang gumewang ang pananampalataya namin. I always believed na at the end of the line, Hubert will be acquitted,” say ni Tito Freddie.
Ayon kay Fritz, isang mala-king dahilan kung bakit di puwedeng ma-involve si Hubert sa krimen na ‘yun ay dahil nasa States ito as attested by Gary Valenciano at ng Immigration officer sa US. Kahit nakalaya na si Hubert, hanggang ngayon patuloy pa rin sila sa paglilinaw na inosente ang kanyang kapatid. Kailangan din nilang linisin ang kanilang pangalan. “At least ngayon, hati na ang reaction ng publiko. Nadagdagan na ang naniniwala sa amin, noong kasagsagan ng kaso almost 90 percent ay naniniwalang may kasalanan si Hubert.”
Tinanong din namin si former Senator Webb kung may kinalaman si Kris Aquino kaya binuksan ni P-Noy ang kaso ng Vizconde Massacre? “Dahil ba schoolmate sila ni Pinky? Hindi sila close friends. If you recall, sa pelikulang “Vizconde Massacre”, si Kris pa nga ang gumanap sa papel na Carmela na dinirek ni Carlo J. Caparas. Nagkausap kami ni Direk Carlo sa telepono.”
Tatlong pelikula ng “Vizconde Massacre” ang nagawa na iba’t ibang version. ‘Yung una kay Carlo J, pangalawa ‘yung “Jessica Alfaro Story” ni Alice Dixson at ‘yung pangatlo ay si Vina Morales ang bida.
May nararamdaman bang galit si Freddie Webb kay Mr. Lauro Vizconde? “Wala akong galit. Nasasaktan lang ako sa mga sinasabi niya.”
Ngayon malaya na si Hubert, ano ang plano niyang gawin? “He’s okay, hindi pa fully adjusted. Gusto niyang magtayo ng isang foundation na makakatulong sa mga hindi lang wrongfully accused but victims of the justice system as well. Parang ‘yun ang advocacy niya, gusto niyang gumawa ng non-profit organization which will help these people,” sabi ni Fritz.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield