Pampasuwerte Ngayong 2015

BAGONG TAON na, isang makulay at makabuluhang taon na naman ang lumipas.

Tuwing bagong taon, maraming ganap ang mga bagets niyan, may nagbabago ng haircut at get up. Maraming nag-e-enroll sa mga fitness gym para magpapayat. At maraming naghahangad ng suwerte! Sino ba naman ang hindi gustong suwertehin ngayong 2015, ‘di ba? Kaya malamang sa malamang, ang mga bagets ay kanya-kanya ng pagsasagawa ng rituwal sa pagsalubong sa bagong taon.

Nariyan ang pagsusuot ng damit na may print ng polka dots, paglalagay ng pera sa bulsa, pagkain ng 12 ubas, pagkain ng mga kulay berdeng pagkain, pagkain ng beans, pag-iingay gamit ang mga kaldero at marami pang iba.

Halos nagawa ko nga ang lahat ng ‘yan. Ito kayang mga susunod kong babanggitin, bakit hindi natin subukan? Para ang ating 2015 ay suwertehin talaga.

  1. Maging “Goal-getter”

Ang paglalakbay ay walang patutunguhan kung walang direksyon. Kahit ginawa mo ang mga pampasuwerte na nabanggit kanina, ‘di ito eepekto kung tutunganga ka lang sa isang tabi at maghihintay ng suwerte. Kaya sa umpisa pa lang ng taon, itakda mo na ang mga hangarin mo sa buhay. Walang silbi ang paghangad ng dream job kung ‘di mo alam kung ano nga bang klaseng trabaho ito. Kaya mag-set ka ng goals at maging goal-getter ngayong 2015.

  1. “Eureka!”

Ang katagang Eureka ay nangangahulugan ng “Seize the day!” Gawing “Eureka” ang bawat araw ng 2015. Sa bawat oportunidad na dumating, tanggapin ito at huwag pakakawalan. Sabi nga sa kasabihan, “Yes to all opportunities.” May pagsubok mang darating sa pagsabak sa mga oportunidad na tinanggap, ito pa rin ay magpapatibay sa atin bilang tao.

  1. Go lang nang go sa mga pagsubok

Ang pagsabak sa mga hamon ng buhay ay dapat parang Globe lang, go lang nang go. Kasabay ng pagpalit ng kalendaryo ay mga bagong karanasan din na may baong pagsubok na susukat sa ating katatagan. Kung kinaya natin ang mga hamon noong nakaraang taon, kayang-kaya rin natin ang paparating ngayong 2015. Kaya huwag manatili sa iyong “comfort zone” na ating tinatawag. Dahil hindi natin maaabot ang suwerte na hinahangad kung hindi tayo aalis sa comfort zone at susubok ng mga bagong hamon.

  1. Pagtiwala sa sarili

Ngayong 2015 dapat maniwala ka sa sarili mong kakayahan na kaya mong maabot ang iyong mga hangarin. Kung madadapa ka man sa kalagitnaan, dapat handa kang tumayo at magpatuloy muli. Wala ka namang ibang kakapitan pa kundi sarili mo lamang. Tandaan, bago maniwala sa iyong kakayahan ang ibang tao, kailangan maniwala ka muna sa iyong sarili.

Kaya ngayong 2015, magandang pagkakataon ito para abutin ang mga suwerte na pinapangarap. Tama ang narinig n’yo, “abutin” dahil para makamit ang suwerte, ito ay kinakailangang paghirapan at pagtrabahuhan. Hindi puwedeng basta-basta gawin lang ang mga rituwal na pampasuwerte, kailangang may gawa. Para sa magandang 2015, ang suwerte ay iyong pagtrabahuhan.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 8 Issue 8 December 19 – 21, 2014
Next articleKarapatan ng Ama sa Ilehitimong Anak

No posts to display