SA TUWING sasapit ang panahon ng Kuwaresma o Mahal na Araw, mas lumalalim ang pananampalataya ng maraming Pilipinong bahagi ng Katolikang relihiyon. Sa pamamagitan ng tradisyong ito ay ginugunita ng bawat mananampalataya ang pagpapakasakit ni Kristo, ang kinikilalang Diyos Anak ng mga Katoliko.
Ang Mahal na Araw ay mas nagkakaroon ng halaga sa kulturang Pilipino kung mayroong rehabilitasyong nagaganap sa puso at kaluluwa ng bawat isa. Ang rehabilitasyong ito ang mas nagpapabuti sa kanilang kalooban at pagkatao. Ang mga bulok na gawi at asal kasi ay pinapalitan ng bagong pananaw sa buhay at mabuting layunin. Sa kalaunan, pinapatag ng magandang kalooban at asal ang mga lubak sa buhay ng mga Pilipino.
Maaari nating maihambing ang rehabilitasyong ito sa puso ng mga Pilipino sa panahon ng Kuwaresma sa isinasagawang rehabilitasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA), sa kahabaan ng EDSA at iba pang major roads sa Metro Manila. Lubak-lubak na kasi ang maraming bahagi ng EDSA at hindi ito naaayon sa dapat na kalagayan nito bilang pinakamalaking pangunahin at gamit na gamit na kalsada sa Metro Manila.
Ang masamang kalagayan nito ang siyang dahilan kung bakit madalas ay nagsisikip ang daloy ng trapiko sa EDSA at pinagmumulan din ito ng mga aksidente sangkot ang mga motoristang dumadaan dito. Ayon pa sa pag-aaral na ginawa ng MMDA, kinakailangan na ang isang major road rehabilitation sa EDSA para mapabuti ang daloy ng mga sasakyan dito at sa huli ay makabuti sa ating bayan at buhay.
NGAYONG SEMANA Santa, saksi tayo sa dalawang rehabilitasyong naganap sa buhay ng mga Pilipino. Magkaiba man ang kalikasan ng rehabilitasyong naganap, may iisang pakay naman ito para sa mga tao. Ito ay ang mapabuti ang buhay.
Isang panglabas at pangloob na rehabilitasyon ang pag-uusapan natin sa artikulong ito. Gaya ng nabanggit ko sa una ay mas pinabubuti ng rehabilitasyong ito ang kalagayan ng mga Pilipino sa parehong internal o ispirtuwal na pag-unlad at external o panlipunang kabutihan. Sinabi ng isang Greek Philosopher na si Plato na sinasalamin ng kaluluwa ng tao ang kanyang lipunan.
Ang isang importanteng tanong ay tama ba ang paraang ginagawa sa rehabilitasyong ito?
Ang tunay na reporma ay hindi isang mapagbalat kayong pagpapakitang-tao lamang. Hindi ko huhusgahan ang mga tradisyong nakagawian na ng mga Pilipino ngunit alam nating lahat na ang karamihan ay naglilinis-linisan lamang at sa tuwing sasapit ang ganitong panahon lamang nagpapakita ng kabutihan at kunwari’y nagbago na.
Ang katunayan, sa paglipas ng panahon ng Kuwaresma, lilipas din ang mga binitiwang pangako at layuning magbago at magbalik-loob. Ang dating magnanakaw ay muling magnanakaw at ang mga dating tsismoso at tsismosa ay muling magpapakalat ng mga kuwentong balbal at walang basehang paghuhusga.
HALOS GANITO rin ang lagay ng rehabilitasyon ng maraming kalsada sa Metro Manila. Sinasalamin nito ang pagkukunwaring pagsasaayos ng mga lubak at marurupok na semento rito. Dahil isang hilaw at tila ba pakitang-tao lang ang ginagawang rehabilitasyon sa mga kalsadang ito, mahihinang klase ng materyales din lang ang ginagamit dito.
Isang bagyo at baha lang ang daraan dito ay wasak na naman ang kakalsadahang ito. Gaya rin ng mga nagkukunwaring mananampalataya ang mga kalsadang ito na hindi matatag sa mga pagsubok ng buhay. Isang pagkabigo sa trabaho o pag-ibig ay bumibigay na agad ang kanilang pananampalataya.
May mas malalim na motibo ang mga pagpapakitang-taong ito. Ang kasakiman ang pangunahin dito. Maraming mga politikong labis ang exposure sa mga simbahan at iba pang aktibidades dito para lalo silang mapalapit sa tao at simbahan. Ito’y isang napakabisang paraan para makasigurado ng pagkahalal sa darating na eleksyon.
Ang lahat ng uri ng pagpapakabanal ay gagamitin nila para lamang sa motibong ito. Sa kabilang banda naman, iisa rin ang motibo sa pekeng rehabilitasyon sa mga kalsadang pinag-uusapan natin. Ito ay ang pagpapapogi sa Presidente at pangungupit sa pondong igugugol dito. Ngunit hindi ko naman nilalahat ang mga ito. Nananatili naman ang tiwala ko sa kagalingan at katapatan ng ating Chairman sa MMDA.
Sadyang may mga nakalulusot lamang na mga tiwaling opisyal sa gobyerno. Magkukunwaring nandiyan para maglingkod sa tao, gaya ng pagkukunwari ni Hudas kay Hesus. Sa likod ng katotohanan ay isang pagtataksil sa bayan at sa tao, gaya rin ng pagtataksil at pagkakanulo ni Hudas kay Jesus.
ANO ANG dapat? Ano ang tunay na rehabilitasyon?
Ang sagot ko sa mga tanong na ito ay simple lang. Tayo ay magpakatotoo. Maging totoo tayo sa ating sarili muna bago tayo magpakatotoo sa ibang tao. Nagsisimula ang pagyakap sa katotohanan sa sariling kalooban. Gaya ng sabi ni Jesus na kapag ikaw ay nanalangin, gawin mo ito sa lugar na walang makakikita sa iyo. Ikaw lamang at ang iyong kalooban ang saksi sa pakikipag-usap mong ito sa Diyos.
Kung ang tao ay magiging totoo sa kanyang sarili, saka pa niya matututunan na maging matapat sa buhay at sa ibang tao. Hindi naman masama ang mga tradisyon. Ngunit ang mahalaga, sa loob ng mga tradisyong ito, may tunay na katotohan ng pagsisisi at pagbabalik-loob.
Ang kabutihang-loob na ito rin ang sana’y magtulak sa ating mga opisyal sa gobyerno at mga politikong nakaupo bilang mga punong lungsod, na ayusin ang mga kalsada nang may tunay na dignidad at hindi pakitang-tao lamang. Sulitin nila ang pondong inilaan dito para magagandang materyales ang gamitin sa rehabilitasyon ng mga kalsada. Dito lang tayo tunay na uunlad at magbabago.
Ang pagbabago at tunay na rehabilitasyon ay laging nagsisimula sa kalooban!
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo