Dear Atty. Acosta,
NASAGASAAN ANG misis ko ng isang delivery truck na na-ging sanhi ng kanyang kamatayan. Tumakbo ang drayber ng truck at nagtago. Nais ko lang malaman kung maaari ko bang ihabla ang operator o may-ari ng delivery truck upang makahingi ng danyos?
Ces
Dear Ces,
ANG DRAYBER ng delivery truck at ang operator o may-ari ng delivery truck ay maaaring managot sa pagkamatay ng misis mo. Ang drayber ay may pananagutang kriminal kung ma-patutunayan na hindi intensyonal ang pagkakasagasa sa misis mo ngunit may pagkakamali o kapabayaan sa kanyang tungkulin bilang drayber. Ang kasong maaaring isampa laban sa drayber ay ang paglabag ng Artikulo 365 ng Revised Penal Code o ang krimeng Reckless Imprudence Resulting in Homicide. Maaari ring siyang kasuhan ng paglabag sa Artikulo 275 ng Revised Penal Code o sa krimeng Abandonment of Person in Danger and Abandonment of One’s Own Victim, sapagkat tinakbuhan niya ang misis mo noong nasagasaan niya ito.
Samantala, ang operator o may-ari ng delivery truck ay may pananagutang sibil kung saan ay maaari kayong humingi ng kaukulang danyos. Ang pananagutan ng operator o may-ari ng delivery truck ay tinatawag na quasi-delict. Ayon sa Artikulo 2176 “whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damage done. Such fault or negligence, if there is no pre-existing contractual relation between the parties, is called a quasi-delict”.
Kahit na walang kinalaman ang operator sa nangyaring pagkakasagasa sa iyong misis, maaari pa ring habulin siya upang humingi ng kaukulang danyos. Ang bawat employer ay may obligasyon na pumili ng empleyado gamit ang katangian ng isang “good father of the family”. Kapag nagkulang siya sa aspetong ito ay maaari siya managot sa kapabayaan o kasalanan ng kanyang empleyado na may kinalaman sa trabaho. Ang pananagutan ng employer ay ayon sa Artikulo 2180 ng Civil Code na nagsasaad na “employers shall be liable for the damages caused by their employees and household helpers acting within the scope of their assigned tasks, even though the former are not engaged in any business or industry”.
Maaari mong kasuhan ang operator o may-ari ng delivery truck kahit hindi pa napatutunayan ang pagkakasala ng drayber sapagkat ang pananagutan ng operator sa ilalim ng quasi-delict ay itinuturing na independent civil action kung saan ay pinapayagan ang pagsasampa at pagdinig ng kasong ito kahit hindi pa natatapos o nauumpisahan ang kaakibat nitong kasong kriminal (Section 3, Rule 111 ng Rules of Court).
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta