ANG TAUNANG pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ang may hawak ngayon ng record sa pinakamalaking pagtitipon sa buong mundo. Ang 9 na milyong bilang ng mga deboto at mga taong nagpunta noong nakaraang taon ay tinatayang umabot sa 12 milyong katao ngayong taon.
Ano ba ang hiwaga sa likod ng itim na Nazareno? Anong puwersa ang nagtututlak sa mga Pilipino upang dagsain ang Pista ng Itim na Nazareno? Sa artikulong ito ay nais kong puntuhin ang tatlong (3) salik na naiisip kong maaaring dahilan at kasagutan sa mga tanong na ito.
Ang tatlong salik ay ang “kultura”, “paniniwala” at “relihiyon”. Ito ang bumubuo para sa akin ng pananampalatayang Pilipino.
Mismong mga paring Katoliko na rin ang nagsasabi na ang karamihan sa mga taong nagpupunta sa Pista ng Itim na Nazareno ay hindi na nananampalataya kundi mga panatiko na lamang ng kultura. Mas ang pagiging bahagi ng Pista ng Itim na Nazareno sa kulturang Pilipino ang may bigat sa kanilang pagnanais na maging bahagi nito.
Marahil ito ang malaking dahilan kung bakit milyun-mil-yong mga tao ang dumadalo sa pagdiriwang. Dahil sa ganito kalaki ang lumalahok sa pagdiriwang ay nagbabalak na ang Department of Tourism na gawing isang universal pilgrimage ito. Marami na rin kasing mga dayuhang banyaga ang nagtutungo rito upang masaksihan ang kapistahan.
Ang Pista ng Itim na Nazareno ay napapabilang na sa mga malalaking selebrasyon ng kulturang Pilipino gaya ng Pasko, Bagong Taon, Valentine’s day, Mahal na Araw, at Araw ng mga Patay. Kaya maari na talagang sabihing ang Pista ng Itim na Nazareno ay isang malaking bahagi ng ating kinagisnang kultura.
SA HARAP ng mga delubyo, kasawian at kahirapan, ang natatanging yaman ng isang maralitang Pilipino ay ang kanyang “paniniwala”. Malaking bahagi ng Pista ng Itim na Nazareno ang mga paniniwala ng mga Pilipino sa dala nitong himala sa kanilang mga hinaing sa buhay gaya ng matinding sakit, tagumpay sa trabaho o career, love life at pamilya.
Ang makahawak sa imahen, maipahid ang puting panyo, makahila sa lubid o makasakay sa andas nito ang mga pinaniniwalaang nagdadala ng suwerte, kagalingan o tagum-pay sa bawat taong makakagawa alin man dito.
Buwis-buhay na nga kung tawagin ang mga ganitong tagpo sa Pista. Ngunit hindi naman inaalintana ito ng mga taong may malalim na paniniwala sa milagro ng Itim na Nazareno. Hindi ang isang dalubhasang propesor sa isang malaking pamantasan at maging si kamatayan ang makapagpapabago o makapag-aalis ng paniniwalang ito. Sabi nga nila ay hanggang sa hukay ay binabaon ng isang tao ang kanyang paniniwala.
ANG RELIHIYONG Katolika ang isa sa mga institusyon sa lipunang Pilipino na nakaukit ang impluwensya sa kasaysayan at kamalayan ng bawat mamamayan. Ang relihiyong ito rin ang bumuhay sa imahen ng Itim na Nazareno at nagbigay-kulay sa kuwento nito.
Ang relihiyon ang nagbubuklod sa mga tao upang maging isa sa gawaing pang-ispirituwal. Relihiyon din ang buhay ng lahat ng uri ng kapistahan sa Pilipinas.
Marahil kung mawawala ang relihiyon ay magiging payak at matamlay ang kulturang Pilipino. Kung magkakaganon ay malaking kabawasan ito sa pagiging masayahin ng mga Pilipino at sa positibong pagtingin natin sa buhay.
Ang kapistahan ng Itim na Nazareno ay hindi magiging kasing-ingay ng sa ngayon, kung hindi ito iniuugnay sa kultura, paniniwala at relihiyon. Ito na rin marahil ang tunay na sumasalamin sa kabuuan ng pananampalatayang Pilipino.
Shooting Range
Raffy Tulfo