Panawagan ng Philhealth hinggil sa mga tiwaling gawi sa health insurance

BILANG TAGAPAMAHALA ng National Health Insurance Fund (NHIF), katungkulan ng PhilHealth na siguraduhing ang paggamit nito ay naaayon sa itinakda ng batas hinggil sa pampublikong pondo (public funds). Ito ang isinasaad ng Section 26 ng RA 10606 o ng National Health Insurance Act of 2013.

Kung kaya’t kami ay patuloy na nagsisikap at naghahanap ng mga paraan upang maiparating sa aming mga miyembro ang mga impormasyon patungkol sa PhilHealth. Patuloy kaming nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa aming mga partner institutions upang matiyak na ang lahat ng mga bagong polisiya, tuntunin, at patakaran ay patuloy na maipatutupad. Kami rin ay patuloy na nagsasagawa ng mga information campaign gamit ang quad media upang matiyak din na ang lahat ng mga pagbabago lalo na sa benepisyo ay aming maipararating sa aming mga miyembro.

Hindi maikakaila na ang fraud o mga tiwaling gawi ay nananatiling isang isyu sa anumang health insurance entity, kung kaya’t ang PhilHealth ay gumagawa ng mga hakbang upang labanan ang mga bantang ito. Una na rito ang pagsasagawa ng Regional Multi-Sectoral Anti-Fraud Awareness Forum upang maipabatid sa ating mga partners ang kahalagahan ng anti-fraud program nang masiguro ang patuloy na pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa ating mga miyembro.

Gayundin ang patuloy na orientation sa iba’t ibang government agencies, non-government organizations, medical associations, at accredited collecting partners sa iba’t ibang rehiyon upang maipaliwanag din na ang pangangasiwa ng NHIP fund ay hindi lamang responsibilidad ng PhilHealth kundi ng lahat ng may kaugnayan dito.

Nagtatag din kami ng “Oplan Kisapmata”, task force na siyang nagba-validate ng claims sa pamamagitan ng pagrerebisa at aktuwal na imbestigasyon sa rehiyon kung saan may nakababahalang pagtaas ng claims utilization.

Isa pang proyekto namin ay ang Oplan Lighthouse”. Ito ay anti-fraud activity na pinangungunahan ng aming Fact Finding Investigation and Enforcement Department (FFIED) sa pakikipag-ugnayan sa mga Legal Services Units ng aming mga rehiyon. Ang mga pinaghihinalaang Health Care Provider ay mino-monitor at araw-araw na sinisiyasat upang matukoy at mapatunayan kung tama ang mga inire-report nilang mga datos sa PhilHealth, tulad ng bilang ng araw ng confinement ng kanilang mga pasyente.

Sa puntong ito, nais kong linawin na ang PhilHealth ay financially capable sa pagbabayad sa mga ospital, subali’t dapat na naipagkakaloob nila ang de-kalidad na serbisyo sa ating mga miyembro, dahil sa ang mandato ng PhilHealth ay ang mabigyan ng financial risk protection ang lahat ng Pilipino, mayaman man o mahirap. Isa rin ito sa mga pangunahing repormang nais makamtan ng ating kasalukuyang administrasyon – ang mithiing makamit ang Kalusugan Pangkalahatan. Naniniwala rin kami na karapat-dapat lamang bigyan ng patas na pangangalaga at proteksyon ang pinaka-mahihirap na pamilya ng ating lipunan lalung-lalo na sa panahon ng pagkakasakit na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Kaya’t nananawagan po ako sa inyong lahat na tulungan kami sa pangangasiwa ng ating National Health Insurance Fund. Kung may mga nalalaman po kayong katiwalian na sangkot ang health care providers o institusyon, doktor, o maging sarili naming kawani, huwag po kayong mag-atubiling tumawag sa aming Action Center sa (02)441-7442 (office hours lamang po) o kaya ay mag-email sa [email protected]

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleBored? Ask.fm na ‘yan!
Next articleBatas Laban Sa Karapatan

No posts to display