NOONG SABADO, OKTUBRE 1, ay nakapa-nayam ko si Mr. Raul Hernandez, ang tagapagsalita ng DFA. Narito ang aking mga tanong at ang buod ng kaniyang mga sagot:
Ano na ang pinakahuling balita sa mga OFW sa bansang Syria?
Sa paunti-unting paraan ay napapauwi na natin ang mga kababayan nating nandoon. Ang problema lang natin ay ito: 90% ng mga kababayan natin doon ay undocumented. Kaya hirap na hirap kami sa pag-locate at pagtulong sa kanila.
Bakit napakatagal ng processing ng mga passport? Magkano ba ngayon ang passport fee?
Paumanhin sa dating matagal na processing. Pero sa ngayon ay napabilis na namin. Ang dating tatlong buwan na dapat ipaghintay para makakuha lang ng appointment ay napaiksi na namin sa dalawang linggo lang. At patuloy pa naming pinabibilis ang proseso. P950 lang ang dapat bayaran para sa passport. At libre ang mga forms ng DFA para rito.
Naatasan ang DFA na mag-certify ng ibat ibang bansa kung dapat pa tayong magpadala doon o hindi na lang ng mga OFW. Tapos na po ba ang certification process?
Tapos na. At ang listahan ng mga bansa ay ipinadala na namin sa DOLE para i-finalize.
Bakit marami kaming naririnig na isyu tungkol dito sa visit visa sa mga bansa sa Middle East, lalo na sa Dubai? Puwede ba itong gamiting work permit?
Hindi ito work permit o working visa. At hindi ito maaaring gamitin sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ano ang implikasyon ng kahuli-hulihang desisyon ng korte ng Hong Kong tungkol sa permanent residency doon ng mga domestic workers na Pinay?
Malaking tagumpay ang desisyon ng hukuman ng Hong Kong na bigyan ng permanent residency ang mga manggagawang Pinoy na matagal nang nagtatrabaho roon. Pero hindi pa ito final. Nag-appeal ang Hong Kong sa nakatataas na hukuman kaya intayin nating maging final na ito at puwede nang ipatupad.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo