AKO PO AY nagtuturo ng massage therapy sa isang eskuwelahan na accredited ng TESDA. Nagkaroon ako ng isang mahusay na estudyante at gusto ko siyang matulungan na makapag-abroad. Nagkataon naman na may kakilala ako na nagpapabiyahe sa Dubai. Ipinakilala ko sa ahensiya ang estudyante ko at sinabi ko sa kanyang may naghihintay sa kanyang trabaho sa isang parlor doon. Matapos siyang mag-apply at magbayad, nagkaproblema ang ahensiya at di-nakabiyahe ang ni-refer ko. Nakasuhan ng illegal recruitment ang ahensiya. Sabit po ba ako? — Timmy ng Pandacan, Manila
SABIT KA NGA. Lalo pa kung ang dahilan ng pagkabiktima sa student mo ay dahil sa ginawa mong referral o pagtuturo sa isang ahensiya na puwede niyang puntahan. Sa ilalim ng ating batas, ang referral ay katumbas ng recruitment. At mapaparusahan ka pa rin kahit wala kang masamang intensyon. Ang importante ay ang masamang naibunga ng iyong referral.
PAMINSAN-MINSA’Y TUMUTULONG AKO sa aking kapatid na manager ng isang travel agency. Sa kanya ko rin nalaman na may mga job openings sa Australia. Pero sabi niya, hindi sila puwedeng mag-recruit para sa nasabing mga trabaho dahil tumutulong lang sila sa pag-process ng visa at iba pang papeles.
Ang nasabing job opening ay nabanggit ko sa isang kakilala na bigla namang naging interesado na mag-apply. Sa ahensiya ng kapatid ko siya nagpa-process ng passport at visa. Wala naman akong siningil sa kanya maliban sa pangako niyang sa kapatid ko siya magpapa-process at sasabihin ko sa kanya ang lahat ng impormasyon tungkol sa employer.
Peke pala ang nasabing job opening at nagamit na rin pala ng ibang ahensiya para mambiktima. Idinedemanda ako ngayon ng illegal recruitment ng aplikante. Papasok ba ang ginawa ko sa kaso ng illegal recruitment? — Nandy ng San Fernando, Pampanga
OO, PASOK ‘YAN sa illegal recruitment. Kahit hindi ikaw mismo ang may-ari ng ahensiya o kahit travel agency lang ang nagamit sa pagre-recruit, kaso pa rin ‘yan ng illegal recruitment. Ang simpleng pangako na may job opening sa abroad at ito’y kinagat o pinaniwalaan ng aplikante ay recruitment na.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo