MUKHANG NAPAKO ang pa-ngako ni PNoy patungkol sa masaganang ani ng bigas sa kanyang termino. Sa unang SONA ng Pangulo, binanggit na niya ang pangakong hindi na natin kakailanganing umangkat ng bigas sa ibang bansa.
Ang pangako ng Pangulo ay magiging sapat ang bigas para sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Malaking kaluwagan sa bigas ang pagbabago sa lumang kalakaran kung saan talamak ang korapsyon sa sektor ng agrikultura. Binigyang-diin pa ni PNoy ang pagbatikos sa dating administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngunit sa kabila ng mga pangakong ito at mahigit tatlong taon na ang nakararaan mula nang maging pangulo ng bansa si PNoy, bakit patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng bigas? Bakit patuloy pa ring umaangkat ng bigas ang gob-yerno sa mga bansang tulad ng Taiwan at Vietnam?
ANG PRESYO ng bigas ngayon sa mga pamilihang bayan ay tumaas ng P2.00 kada kilo sa Bulacan at P3.00 – P4.00 kada kilo naman sa Pampanga. May kartel umano na lumilikha ng kakulangan sa supply ng bigas. Ito ang nakikitang dahilan ng National Food Authority spokesman na si Rex Estoperez.
Ang Kongreso ay nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon sa maanomalyang P457 million rice import kickback kung saan sangkot ang NFA. Sinabi ni Estoperez na handa naman sila sa imbestigasyon. Marami umano silang mga “data” at pag-aaral na nagpapakita at susuporta sa kani-lang posisyon na may mga kartel na kumokontrol sa supply ng bigas sa bansa, para imanipula at sadyang pataasin ang presyo ng bigas.
May mga sumbong umano ang mga magsasaka sa Bulacan tungkol sa kartel. Humihingi rin sila ng tulong sa gob-yerno upang habulin ang mga kartel na ito na siyang dahilan ng pagkawala ng supply ng bigas sa mga pamilihan.
PINATUNAYAN NG Malolos City Agriculture and Fisheries Council Head na si Melencio Domingo ang paniniwala ng NFA na may mga kartel na lumilikha ng pagkawala ng mga supply ng bigas sa merkado.
Sinabi ni Domingo na may mga negosyanteng nagho-hoarding ng bigas para magkaroon ng kakulangan sa supply nito at magkaroon ng “artificial shortage”.
Idinagdag pa ni Domingo na sapat ang supply ng bigas kaya imposible na magkulang ito. Hindi umano “rice shortage” ang problema, kundi “artificial rice shortage”.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tumaas sa P34.00-P37.00 ang presyo ng bigas noong isang araw mula sa dating presyo nitong P32.00-P34.00 lamang.
MALINAW ANG indikasyon na may nagaganap na kartel, hoarding at manipulasyon sa palay dahil sa magkakalayong presyo nito.
Ang presyo ng palay sa Isabela at Pangasinan ay P20.00-P22.00 bawat kilo at P24.00 bawat kilo sa Bulacan. Ngunit sa Mindoro ay P16.00 bawat kilo lamang at P17.00 naman sa Visayas at Mindanao. Nananatiling pinakamababa ang presyo ng palay sa Laguna na P13.00-P14.00 bawat kilo lamang.
Kung totoong may kartel na nangyayari, mukhang nagbubulag-bulagan ang Department of Agriculture (DA) sa problemang ito. Bakit mukhang walang aksyong ginagawa ang DA sa loob ng tatlong taon at magpahanggang ngayon ay problema ito ng ating mga magsasaka?
Ang presyo ng bigas ay patuloy na tumataas kada linggo sa loob ng nakaraang dalawang buwan, ngunit walang na-ging solusyon ang gobyerno rito. Naging inutil na yata ang pamahalaan at wala itong magawa.
Mr. President, bakit iba ang sinasabi ng administrasyon mo sa nangyayari? Nasaan ang iyong pangako? Napako?
Shooting Range
Raffy Tulfo