NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Idudulog ko lang po iyong problema rito sa barangay namin na may bayad na P40.00 isang buwan para sa pagkolekta ng basura. Kapag hindi ka nakabayad ay hindi ka makakakuha ng barangay clearance hanggang hindi nagbabayad ng para sa basura. Dito po ito sa San Gabriel, Sta. Maria, Bulacan.
Concerned citizen lang po, dito po sa Vitas, Tondo, Manila dahil walang ginagawang aksyon ang mga kinauukulan dito sa nangyayaring nakawan sa mga sasakyan. Walang magawa ang mga driver at pahinante ng mga sasakyan na dumaraan doon kapag traffic.
May irereklamo lang po ako rito sa Malabon Police Station dahil noong kumuha po kami ng police clearance ay tapos na kaming magbayad ng P100.00, pero noong kumuha kami ng form ay hiningian pa kami ng bayad na P100.00. Wala naman pong ibinigay na resibo para roon sa isang siningil.
Dito po ‘to sa Taguig City, baka puwede naman pong pakikalampag ang mga kinauululan dito sa aming lungsod dahil ang mga jeep dito ay laging nagka-cutting trip lalo na kapag rush hour. Pati na rin po ang mga tricycle ng Lower to Upper Bicutan ay ayaw nilang pumasada kung kailan rush hour. Masyado nilang pinahihirapan ang mga commuter.
Isusumbong ko lang ang mga enforcer ng Manila City Hall dahil gabi-gabing nangongotong sa kanto ng Kapulong at Road 10 sa Maynila. Sana po ay maaksyunan. Maraming salamat po.
Irereklamo ko lang po ang eskuwelahan sa amin sa San Jose, Mahayag, Zamboanga del Sur. Naniningil po ng P200.00 para sa PTA, P150.00 para sa homeroom, at P300.00 para sa pagpapaayos ng basketball court.
Ako po ay isang concerned parent at may reklamo po ako sa school ng aking anak na Carlos Albert High School sa Quezon City. Naniningil po sila sa mga estudyante ng halagang P150.00 bawat isa para sa pagpapagawa ng tiles ng kanilang school at ang sobra rito ay ibibili ng electric fan. Sana po matulungan ninyo kami para matigil na ang ganitong pagsamantala sa amin.
Gusto ko po sanang ireklamo ang isang day care teacher sa ginagawa nilang paniningil ng tig-P7.00 araw-araw. Ang P5.00 ay para sa kuryente at ang P2.00 ay sa paglinis. Kahit walang kuryente ay naniningil pa rin sila. Dito po ito sa Parola Day Care Center ng Parola Gate 12 sa Brgy. 20, Tondo, Manila.
Irereklamo ko lang po sana iyong school kung saan nag-aaral ang anak ko, sa San Roque Elementary School dahil naniningil ng P100.00 sa bawat mag-aaral para raw sa pagpapataas ng hall way ng eskuwelahan. Kailangan bang sa estudyante at sa magulang kunin ang pagpapagawa sa eskuwelahan? Sana po ay matulungan ninyo kami.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo