NOONG MIYERKULES, PANAUHIN dapat ng T3 sa segment na “Silya Elektrika” si DepEd Secretary Armin Luistro. Pero bago pa man makapagsi-mula ang programa, kinakailangan niyang umalis para sa isa pa niyang appointment. Napaaga siya nang husto sa pagpunta sa TV5 at nagkaroon ng miscommunication sa pagitan ng segment producer ng T3 at ng staff ni Luistro.
Iyon na sana ang pagkakataon para, kundi man mabawasan, matuldukan na ang talamak na pangongotong ng mga pampublikong eskuwelahan sa elementary at high school sa mga estudyante nila. Ang modus ng mga nasabing eskuwelahan sa pangingikil ay ang paggamit ng terminong “voluntary contribution”. Pero kapag hindi nag-contribute ang mga estudyante, hindi sila pag-eeksaminin at iipitin ang kanilang mga cards at grades.
Makailang beses nang tinalakay ng inyong SHOOTING RANGE ang problemang ito sa WANTED SA RADYO, maging sa espasyong ito. Maraming beses ko na ring nakausap ang iba’t ibang opisyales ng DepEd maging ang mga dating DepEd Secretaries tungkol dito ngunit sadyang matitigas talaga ang ulo ng mga principal at guro ng naturang mga eskuwelahan na pasimuno sa pangingikil.
Umaasa pa rin ako na sa administrasyon ni P-Noy na madalas na ibinabandila ang salitang “matuwid na daan”, kaya pa ring pahintuin ang talamak na problemang ito.
Kung nakausap namin si Luistro noong Miyerkules, imumungkahi ko sana sa kanya ang pagpapatigil sa lahat ng uri ng voluntary contributions sa mga public elementary at high schools. Kapag nangyari ito, wala nang maibibigay pang dahilan ang mga nasabing eskuwelahan para hu-mingi ng pera sa mga estudyante. Simple lang talaga ang solusyon kung tutuusin.
Imumungkahi ko rin kay Luistro na ibigay ang budget na nararapat para sa mga naturang mga eskuwelahan. Ang madalas na idinadahilan kasi ng mga kawani ng nasabing mga eskuwelahan kapag nakakausap ko ay wala raw silang natatanggap na budget para halimbawa sa kur-yente, tubig, janitorial, security, etc. Kaya napipilitan daw silang hanapan ng solusyon ang nasabing mga problema sa pamamagitan ng pagdayalogo sa mga magulang ng mga estudyante sa mga pagpupulong sa PTA.
At nakakapagtaka naman na lahat ng klaseng kontribusyon ay aprubado sa PTA. Ang hindi alam ng mga magulang ng mga mag-aaral, ang presidente ng PTA, kadalasan, ay hindi naman talaga magulang ng isang mag-aaral, ito ay isang planted na kasabwat ng eskuwelahan na siyang magbibigay ng go-signal para sa mga kokolektahing voluntary kuno na mga kontribusyon.
Ang karumal-dumal pang resulta ng pangongotong ng mga eskuwelahang ito ay kapag walang maibigay ang isang estudyanteng elementary halimbawa na anak ng isang naghihikahos na mga magulang, pinapahiya ito sa harap ng kanyang mga kaklase at pinaparusahan tulad ng pag-uutos sa kanya na dumipa sa classroom at pagkatapos ay maglinis ng kubeta at kung anu-ano pa.
Sana mabasa ni Luistro ang artikulong ito. Gayun pa man, tatawagan ng inyong SHOOTING RANGE sa pamamagitan ng WSR si Luistro upang iparating sa kanya ang problema at ang solusyon sa talamak na pangongotong sa mga public elementary at high schools.
ANG T3 AY mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. Kasama ko sa programang ito ang mga kapatid kong sina Ben a.k.a BITAG at Erwin a.k.a TUTOK TULFO.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo