SA MGA MAG-ANAK na magbabakasyon ngayong long weekend, narito ang ilang paalala o tips para hindi mabiktima ng mga kawatan.
• SIGURADUHIN NA WALA kahit na maliit na lagusan papasok ng inyong bahay. Ang mga akyat-bahay gang ay gumagamit ng mga paslit na kakasya sa mga maliliit na lagusan patungo sa inyong bahay, at kapag nakapasok na, ito ang magbubukas ng pinto.
• KAPAG BALAK NIYONG mag-iwan ng bantay na mga kasambahay, siguraduhin na sila’y mapagkakatiwalaan. At kailangang i-seminar sila sa mga istilo ng dugo-dugo gang at iba pang mga grupo na nakakapang-biktima ng mga bahay-bahay dahil na rin sa katangahan ng mga kasambahay. Dalhin ang inyong mga mamahaling alahas o dili kaya ay iwan sa isang safety deposit sa banko.
• KAPAG WALA NAMANG maiiwan sa inyong bahay, ma-kiusap sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na siyang paminsan-minsan ay papasok sa inyong bahay para sindihan ang ilaw sa gabi at patayin din ito pagsapit ng umaga, at pagbukas at pagpatay din ng telebisyon sa tamang mga oras para lumitaw na may mga tao pa rin sa inyong bahay. Maaari ring ang taong ito ang magpapakain at magpapainom ng tubig sa inyong alagang aso – kung meron man – na nakawala lang sa loob ng inyong bahay. Kung may puno naman na madahon sa inyong bakuran, ang taong ito na rin ang siyang araw-araw na magwawalis sa mga nagkalat na dahon.
• KUNG KAYO AY regular na nagpapa-deliver tulad halimbawa ng diyaryo, tubig atbp., tawagan ang mga ito at pansamantalang ipatigil ang lahat ng deliveries hangga’t hindi kayo nakakabalik. Senyales sa mga kawatan na walang mga tao sa inyong bahay kapag nakita nilang nagtambakan ang mga diyaryo sa pinto ng inyong bahay at paulit-ulit na pag-doorbell ng mga delivery boy at walang nagbubukas sa mga ito.
• KUNG KAYO AY sasakay ng public transport, ingatan ang inyong mga gamit laban sa salisi gang lalo na sa mga terminal ng bus at pier kung saan sila ay naglipana. Bukod sa salisi gang, nagkalat din ang iba’t ibang klaseng manloloko sa mga lugar na ito. Simple lang ang pangontra rito – maging laging pala-duda at sundin ang palaging pinapaalala sa atin ng ating mga magulang nu’ng tayo’y maliliit pa ang “don’t talk to strangers”. At kapag halimbawa sa mga lugar na ito nagkaroon ng komosyon o pag-aaway, agad na i-secure ang inyong mga bag, wallet at iba pang mahalagang gamit dahil ang kaguluhang iyon ay maaaring diversionary tactic lamang ng mga kawatan na para habang nakatuon ang inyong atensyon sa scripted nilang kaguluhan, pagpipiyestahan naman nila ang inyong mga ari-arian.
• KAPAG KAYO AY nagmaneho naman at napatigil sa rest stop para kumain, siguraduhing naka-park ang inyong sasakyan sa lugar na inyong nakikita. At ‘wag mag-iwan ng mga mamaha-ling bagay sa loob ng sasakyan na nakikita ng mga kawatan tulad ng cellphone, laptop at bag.
• KAPAG IKAW AY nalagay sa isang bumper to bumper traffic sa isang highway, palaging tignan ang paligid ng inyong sasakyan. May mga kawatan kasing ang modus ay pasimpleng tatabihan ang inyong gulong at bubutasin ito ng isa sa mga kasabwat nila. Pagkalipas ng ilang sandali, isang miyembro naman ng grupo ang kakatok sa inyong sasakyan at ituturo ang gulong na nabutas at flat. Sa puntong ito mag-aalok sila ng tulong at may dala-dala na agad silang mga tools. Dahil kayo ay nagmamadali, wala na kayong magawa kundi patulan ang itataga nilang presyo para ayusin ang inyong flat tire.
Shooting Range
Raffy Tulfo