NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Concerned citizen lang po dahil sobrang garapal na ang school namin. Gusto nilang magpalagay ng aircon tapos sa mga bata nila kukunin ang pambili. Mayroong iba ang flat screen TV, tiles ng room, mga cabinet, speaker, atbp. Bawat kuwarto ay may kanya-kanyang proyekto. Kaya nga po sa public school ako nagpaaral ng anak ay para makatipid, pero sobra na pong pahirap ito sa gaya kong ordinaryong manggagawa lamang. Sana ay maaksyunan po ninyo itong Sen. Maria Kalaw Katigbak Memorial School sa Marawoy, Lipa City, Batangas.
Reklamo ko lang po iyong Victoria Heights Elementary School dahil sa Kinder po ay naniningil ng P200.00 para raw po sa DepEd. Hindi naman po ipinaliwanag kung para saan mapupunta ‘yung para sa DepEd na iyon.
May anak po akong nag-aaral sa Francisco Homes Elementary School ng San Jose del Monte City, Bulacan. Irereklamo ko lang po ang baradong CR ng Grade 2, pati sahig ay barado rin. Sampung section po ang mayroon sa Grade 2 at magkasama lang sa isang CR ang babae at lalaki. Last year po ganito na rin ang problema sa school na ito at walang ginagawa ang namamahala. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Isa po akong concerned parent, mayroon po akong dalawang anak na pumapasok sa isang public school dito sa Mabalacat, Pampanga. Ngayon po ay naniningil sila ng P500.00 bawat estudyante para maka-enrol dito. Sana po ay matigil na ito.
Ako po ay isang concerned citizen dito sa Calamba, Laguna at nais ko pong isumbong sa inyo na iyong basurahan sa may Brgy. Bubuyan ay umaabot ang amoy rito sa lugar namin sa Majada, Canlubang. Sa layo po ng lugar namin ay umaabot pa hanggang dito sa amin ang amoy ng mabahong basura na nakasusulasok. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Gusto ko po sanang humingi ng tulong sa pamamagitan ng inyong programa. Problema po kasi naming mga estudyante sa Brgy. Gogon, Caramon, Camarines Sur ay ang nasirang tulay sa pagitan ng Brgy. Daraga at Brgy. Oring. Halos wala nang tulay. Ngayon pong malapit na ang pasukan sana po ay magawa na ito kasi ay malaking kalbaryo ang aming dadanasing mga estudyante sa pagpasok pa lang sa eskuwelahan. Salamat po.
Isusumbong ko lang po na iyong isang kalsada rito sa Brgy. San Luis, Antipolo City ay binungkal pagkatapos ay pinabayaan na lang. Hindi na binuhusan ng semento. Marami tuloy ang naaaksidente rito.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TVChannel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo