Dear Atty. Acosta,
PAANO KO ba malalaman kung ang kausap namin na nagsasabing abogado ay tunay ngang abogado?
Patricia
Dear Patricia,
ANG PRACTICE of law na nangangahulugang anumang gawain sa labas at loob ng korte na nangangailangan ng aplikasyon ng batas, legal procedure, kaalaman, pagsasanay at karanasang legal ay maaari lamang gawin ng isang abogado ayon sa Rules of Court na nagsaad nito: “Any person heretofore duly admitted as a member of the bar, or thereafter admitted as such in accordance with the provisions of this rule, and who is in good and regular standing, is entitled to practice law” (Cayetano v. Monsod, 201 SCRA 210, Section 1, Rule 138 of the Rules of Court).
Upang maging abogado, kailangang pumasa muna ang isang tao sa Bar Examinations, makapanumpa, at makapirma sa Roll of Attorney. Magiging kuwalipikado lamang ang aplikante para sa Bar Examination kung siya ay isang Filipino, dalawampu’t isang taong gulang o higit pa, may magandang katangian o good moral character, residente ng Pilipinas, at makapagbibigay ng ebidensiya na siya ay may angking good moral character at walang criminal case o charge kaugnay ng moral turpitude ang naisampa o pending laban sa kanya (Artikulo 138, Rules of Court).
Kapag nakapasa ang aplikante ng Bar Examination, siya ay manunumpa bilang abogado at pipirma sa Roll of Attorneys sa Supreme Court. Magkakaroon lamang siya ng karapatan upang mag-practice pagkatapos ng nasabing pagpirma. Malalaman kung tunay na abogado ang isang tao kapag ang pangalan niya ay nakalagay sa Roll of Attorneys na nasa Supreme Court. Maaari kayong pumunta sa Supreme Court upang magsaliksik kung may pagdududa kayo tungkol sa katauhan ng isang taong nagpapakilala bilang abogado.
Kung pagkatapos ng iyong pananaliksik, nalaman ninyo na ang taong iyong kinakausap ay nagkukunwari lamang na isang abogado, maaari ninyo siyang ihabla ng krimeng estafa na pinarurusahan sa ilalim ng Artikulo 315 ng Revised Penal Code. Ayon sa probisyong ito, estafa ang krimeng nagawa ng tao kung gumamit o nagkunwari siya na may kapangyarihan, impluwensiya, kuwalipikasyon, ari-arian, utang, ahensiya, negosyo, o hindi totoong transaksyon upang makapanloko o makapanlinlang sa kapwa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta