MAGPAPAALAM MUNA PO ako sa inyo, dear readers. Pansamantala po muna kaming hihinto sa pagsusulat, kasi po, kailangan. Alam n’yo naman po na kami’y tatakbong konsehal sa ikatlong distrito ng Quezon City.
Siguro, nagtatanong ang iba sa inyo kumbakit o ano ang nakain namin at pinasok namin ang pulitika. Naniniwala kami na habang nabubuhay ang tao, patuloy ang pakikipagsapalaran at pakikibaka niya sa buhay.
Kung tutuusin, okay naman po ang aming lagay ngayon. Puwede naman kaming humingi uli ng show sa ABS-CBN o ‘di kaya ay magpatuloy sa pagiging radio anchor sa DWIZ o magpatuloy sa pagsusulat. Du’n pa lang, alam naming mabubuhay na namin ang aming pamilya, lalo pa at ang aming alagang si Vice Ganda ay napakaganda ng takbo ng career.
Pero kami ay naniniwala na meron pa kaming misyon sa buhay. ‘Yun ay ang pagtanaw ng utang na loob ke Lord dahil sa patuloy niyang pagbibigay ng biyaya sa atin. ‘Yan ay sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa o pagtulong sa mga kapus-palad. Puwede namang tumulong kahit wala sa posisyon, ah? Opo, tama po ‘yon. Pero kung nasa posisyon ka, mas marami ka pang matutulungan.
ALAM KO PO, napakahirap ng pinasok naming bagong larangan. Mas magulo ito kesa sa showbiz. Pero ang katuwiran namin, kung magulo man ang pinasok namin, dapat, papasok ka, ikaw na ang umayos ng gulo.
Heto nga, eh. Sa totoo lang, dito namin napapatunayan kung sino ang aming mga true friends. Napakahirap sa amin ang manghingi o humingi ng pabor. Alam ‘yan ng aming mga kaibigan sa showbiz. Ang nakatutuwa sa amin, ngayon lang kumapal ang mukha namin sa paglapit sa kanila para humingi kami ng suporta. At ang mas nakatutuwa, karamihan sa kanila ay hindi kami nagdadalawang- salita, bagkus sasabihin pa sa amin Ay, sige, walang problema, ikaw pa.’
Kaya ngayon pa lang, sobrang salamat sa mga nilalapitan naming kaibigan sa showbiz. Kukunin na naming pagkakataon ito para pasalamatan sina Tates Gana at Mama Bing Perez, Princess Revilla, Malou Choa-Fagar, Allan K, Lito Alejandria, Pokwang, Ai Ai delas Alas, Boy Abunda, Cristy Fermin, Jobert Sucaldito, John Lloyd Cruz, Jenny Miller, Luis Manzano, Sen. Ralph Recto at Gov. Vilma Santos-Recto, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Miguel Zubiri, Sen. Bong Revilla, Sen. Manny Villar, Piolo Pascual, Tonton Gutierrez, Ely Saludar, Vhong Navarro, Boss Vic del Rosario, Veronique del Rosario, Dra. Vicki Belo, Doc Manny Calayan, Willie Revillame, Cong. Mat Defensor, Dingdong Dantes, Chokoleit, Vice Ganda, and others.
Meron kaming isang nilapitang guwapong aktor na hindi na nga kami sinuportahan ay ipinagkalat pa niya sa mga ka-brod niya na kami’y himihingi ng tulong sa kanya. Kalokah. Bahala na si Bro sa kanya. Sana nga, bukal sa puso niya ang pagtulong sa mga kabataang naliligaw ng landas.
Magsusulat pa ba si Ogie Diaz, win or lose sa election? Ay opo, magsusulat pa rin po kami, dahil ‘yun naman po ang aming bread and butter. At ‘yan ay kung tatanggapin pa tayo ng Pinoy Parazzi. (Oo naman! Good luck, Ogie! – Ed)
Oh My G!
by Ogie Diaz