MULA 2011, 2012 at hanggang ngayon ay sunud-sunod ang pagkuha ng Pilipinas ng mataas na investment grade at credit rating mula sa malalaking kompanyang namumuhunan sa mga pandaigdigang kalakalan. Kaya naman hindi nakapagtataka na sa unang apat na buwan ng 2013 ay nanguna ang Pilipinas at naungusan ang mga bansang China at India dito sa Asia ng 7.8 % pagdating sa investment rate.
Ayon sa mga eksperto, ang investment grade ay mahalaga sa ekonomiya lalo na sa pandaigdigang pagbili at pagtinda ng kalakal. Mas mababa ang mga interes na ipinapataw sa mga bansang may matataas na credit rating. Mas mataas naman ang interes sa may mababang credit rating dahil binabawi ng mga nagpapautang ang sa tingin nilang matagal na balik ng perang pinautang sa mga bansang hirap magbayad.
Lumalabas na tiwala at kumpiyansa ng mga namumuhunan lamang ang labanan dito.
ANG PANTAWID Pamilyang Pilipino Program o “4Ps” ay ang bersyon ng gobyernong Aquino sa tinatawag na CCT o Cash Conditional Transfer ng maraming bansa sa mundo. Ang Pilipinas ang pangatlo ngayon na may pinakamalaking perang iginugol sa programang ito kasunod ng Brazil at Mexico. Aabot sa P40 bilyon ang proyektong ito ayon kay Sec. Dinky Soliman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mula pa noong 1960, malaki na ang pagitan ng antas ng kabuhayan ng mga mahihirap at mayayaman. Ito ay batay sa isang pag-aaral na ginawa kamakailan lang ng DSWD. Ang 4Ps ay isang kongkretong hakbang para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mahihirap na Pilipino tulad ng pagkain, tirahan at edukasyon.
Ang mga pamilyang makakasama sa 4Ps ay pangkaraniwang makatatanggap ng 2,400 kada 2 buwan. Kailangan sumunod sa ilang alituntunin ang mga ito gaya ng buwanang pagpa-check-up sa health center, paglahok sa mga pangkabuhayang seminar ng barangay at pagpasok ng mga anak sa pampublikong paaralan.
MAGANDA ANG itinatakbo ng 4P batay sa mga survey hinggil dito. Ang edukasyon para sa mga mahihirap para sa akin ang pinakamalaking hakbang para maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap sa bansa. Kung sila ay may edukasyon, magkakakuha sila ng trabahong may sapat na suweldo para maahon sila sa kahirapan.
Panahon na rin marahil para tutukan ng pangulo ang pagbalik sa mga tao na dati ay taga-probinsya na nakipagsapalaran dito sa Maynila. Base sa pag-aaral, habang palayo nang palayo ang isang komunidad sa Maynila ay pahirap nang pahirap ang antas ng pamumuhay rito. Kaya sa nakalipas na mahabang panahon, parami nang parami ang mga lumilipat sa Maynila.
Ang resulta nito ay pagsikip ng mga daluyan ng tubig dahil sa mga dikit-dikit na kabahayan. Pagkaipon ng trabaho at namumuhunan sa NCR. Sa tuwing magkakaroon ng kalamidad sa Maynila ay hindi lamang ang tubig baha ang problemang dala nito sa bansa kundi pati ang epektong dulot sa ekonomiya. Dahil sentro ng halos 80% ng kalakalan sa Maynila, kasabay ng mga ari-ariang inaanod ng baha ang mga dapat sana ay kinita sa merkado. Ibig sabihin ay malaki ang nalulugi sa ekonomiya ng bansa sa tuwing may kalamidad sa Metro Manila.
ANG SOLUSYON sa tingin ko ay ang paglalagay ng mga trabaho, negosyo, oportunidad at pabahay sa mga malalayong lugar sa Maynila. Ito ay upang hindi napaparalisa ang halos buong ekonomiya ng bansa kung may bagyo sa NCR. Makapagpapatuloy ang kalakalan sa ibang lugar o rehiyon sa Pilipinas habang paralisado ang kalakalan sa Maynila kung may kalamidad.
Shooting Range
Raffy Tulfo