Pantawid-gutom program ni P-noy, palpak!

PAREKOY, MALIWANAG PA sa sikat ng araw, sablay ang P21-billion Conditional Cash Transfer (CCT) o mas kilala sa tawag na “Pantawid-Gutom Program” ng Aquino administration.

Ito ang nais iparating ni Senador Francis “Chiz” Escudero kasunod ng resulta ng Social Weather Station (SWS) na 20.5% mula sa 1,200 respondents ang umaming nagugutom habang mas lamang ang mga naghihirap kaysa guminhawa mula Nobyembre 2010 hanggang Pebrero 2011.

Ayon pa sa SWS, 51% ng mga sinarbey ay nagreklamong lalo silang naghirap o 4.1 milyong pamilyang Pinoy ang naghihirap na mas mataas kaysa sa 3.4 milyon noong nakalipas na taon.

Tsk… tsk… tsk… bakit pa kasi ayaw aminin eh… ang mga imitation, talagang may depekto!!!

Pero, nilinaw naman ni Escudero, parekoy, na hindi dapat sisihin si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa nararanasang hirap at pagkabigo sa pangakong may magandang bukas sakaling maluklok ito sa puwesto, kundi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Dinky Soliman.

Ibinulgar ni Escudero na si Soliman, dating malapit at kaibigan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang dapat sisihin kung bakit may mga false hopes at palpak sa nasabing programa.

Paliwanag ni Escudero, si Soliman ang promotor na doblehin ang budget para sa programa at hindi aniya nagtanda sa aral nito dahil minana lamang ito sa nakalipas na administrasyon.

Kahalintulad nito, dapat ay muling sinuri kung talagang maralitang pamilya ang naaayudahan lalo na’t maraming impormasyon ang lumabas na maging ang mga may trabaho o “can afford” ay nabibiyayaan ng assistance.

Sa nakalipas na administrasyon, ipinatutupad ang programa sa pamilyang walang pinagkakakitaan at may mga nag-aaral na anak. Halimbawa nito ay ang pagbibigay ng bigas sa mga estudyante sa mga pampublikong paaralan. Nangangahulugan lamang parekoy, ang mga batang maralita ay tiyak na may sasaingin pag-uwi nila noon sa bahay.  Eh… ngayon? Walang ganoon!

Ang balita ko, basta malakas ka sa barangay eh, p’wede ka nang ilista bilang benepisyaryo ng Limos Program…  ‘Yan po ang balita sa akin, mga parekoy!

P-NOY, HINDI NA PICK-UP NA PARA SA KABUTIHAN NG MGA MANGGAGAWA ANG PLANONG PAGTAAS NG PREMIUM AT BENEFITS NG SSS

Mukhang mali ang pick-up ni Pangulong Noy sa plano ng Social Security System (SSS) na taasan ang singil ng kontribusyon. Parang hindi niya alam na kasunod nito ay mataas na benepisyo ng empleyado sa private sector.

Ayon sa Pangulo, partikular na nais niyang malaman kung ano ang naging basehan ng SSS para ipalutang ang nasabing panukala.

Naniniwala naman ang presidente na hindi kinakapos ng pondo ang SSS, kung kaya’t mahalaga umanong may paglilinaw dito ang tanggapan.

Unang inanunsyo ng SSS na kanilang tataasan ang singil sa empleyado ng contribution, subalit kalahati naman nito ang mga employer na magandang benepisyo para sa mga kawani.

Mr. President, kami pong manggagawa ay natutuwa sa hakbang ng SSS dahil tiyak, amin po itong mapakikinabangan sa aming retirement o kinabukasan. For your information, sir!

Ugaliing makinig sa aking programang ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530 Ang Radyo Uno, dulong kanan sa inyong tala-pihitan, tuwing Lunes-Biyernes, 6-7 am. Live streaming: www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; text/call: 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous article“Mabuti naman ang intensyon ko”—Recruiter
Next articleUtang ng anak ko, kargo ko?

No posts to display