TINUTUTUKAN NGAYON ni Atty. Persida Acosta ang mga kaso ng tanim-bala sa NAIA. Na-dismiss na raw ng mga piskal ang limang kaso na hawak nila rito.
Inamin ng magiting na abogada na dahil kontrobersyal ang kaso ng tanim-bala, hindi raw maiwasan na may nagbabanta sa kanyang buhay.
“Kami po sa PAO, ginagampanan po lamang namin ang aming tungkulin. ‘Wag pong magalit ‘yung taga-AVSECOM (Aviation Security Command), ‘yung taga-OTS (Office for Transportation Security), ‘yung mga nag-i-screen (sa airport), trabaho lang po, walang personalan.
“Dahil may nagsabi sa akin na mag-ingat daw ako, sindikato raw ang binabangga ko. Ang sagot ko naman, kahit ang tao sabihin man nating miyembro ng sindikato, ipaliwanag lang natin sa kanila na ang kanilang kakanin pati ng kanilang mga anak ay dapat sa pawis nila manggagaling at legal. Hindi sa kotong,” mariin niyang pahayag.
Samantala, kahit maraming nagkukumbinsi noon kay Atty. Acosta na tumakbong senador sa May 2016 tulad ni VP Binay at Liberal Party, hindi niya ito tinanggap.
“Sabi ko po, marami pa akong tatapusin sa PAO, tapos pumutok nga itong tanim-bala. So, ‘pag nawala ako, sinong magtatanggol dito sa mga biktima? Para sa akin po, may panahon para riyan. Siguro hindi pa ngayon,” katuwiran niya.
Bukod sa PAO at TV guestings, may mahalagang papel din na ginagampanan ang magaling na abogada sa remake ng pelikulang Angela Markado na sinulat at idinirek ni Carlo J. Caparas at pinagbibidahan ni Andi Eigenmann.
Siya raw ang gaganap na abogada at tagapagtanggol ni Andi. Hindi raw naman siya nahirapan sa role dahil parang true-to-life lang ito.
La Boka
by Leo Bukas