MAY MGA “nanliligaw” na upang lumahok sa senatorial race para sa 2016 election si PAO Chief Atty. Persida Acosta subali’t marami pa siyang bagay na ikinokonsider sakaling papunta na siya du’n. Isa sa mga nakapag-iisip sa magiting na abogado ay ang pagtulong sa mga kapus-palad at yaong nababale-wala ang mga ipinaglalaban na hindi maamot ang hustisya. Sakaling mahimok nga siyang kumandidato bilang senador sa darating na election, titiyakin niyang ang papalit sa kanya sa PAO office, yaong may malasakit at pagpapahalaga sa mga taong humihingi ng katarungan na salat sa aspetong pinansyal.
Gaya nga ng patuloy niyang pagtulong sa mga biktima ng paglubog ng barkong MV Princess of the Stars 6 years ago na pag-aari ng nagngangalang Mr. Edgar Go, hindi niya tatantanan ito hangga’t hindi napaparusahan. Dismayado nga si Atty. Acosta dahil imbes na criminal case ay naging civil case lang ito sa Supreme Court. Ang gustong mangyari ni Atty. Acosta, harapin ng may-ari ng shipping lines at mabigyan ito ng kaparusahan ng korte at hindi ang bayaran lamang nito ang mga biktima.
Nakaiinsulto lalo na at iba’t ibang pangalan ang ginagamit ng shipping lines na patuloy ang pag-o-operate habang naghihintay ng katarungan ang mga pamilya, kaibigan, kapatid ng mga daan-daang inosenteng nilalang na walang kalaban-laban na mga nasawi sa pinakamalaking pangyayaring paglubog ng naturang barko anim na taon na ang nakararaan.
Kung sakaling isapelikula ang buhay niya, “si Dawn Zulueta” ang sagot ni Atty Acosta upang mag-portray sa buhay niya na nakapanayam namin sa kanyang opisina kamakailan lang.
DIREKTOR NA rin si Ronnie Lazaro sa indie film na Edna at sa kanyang directorial debut ay marami siyang ginulat. Mahusay ang pagkakadirehe niya plus maganda ang istorya at pag-uusapan ang “twist” ng kuwento sa bandang ending kung saan mari-reveal na bakla pala siya at lover niya ang baguhang si Kiko Matos kung saan may torrid kissing scene pa sila! Grabeee!!!!
Ang kanyang kaibigan at mahusay na aktres na si Irma Idlawan ang title role na isang OFW at siya ang asawa. Nakagugulantang ang naturang movie sa lahat ng aspeto. Hindi kami magtataka kung pagkatapos nito ay dagsain na ng offers si Ronnie bilang direktor dahil kering-keri niya.
Tiyak naman na lalaban sa best actress award si Irma sa napakahusay niyang pagganap bilang si Edna na halos mawalan na ng ulirat sa nangyari sa kanyang sariling pamilya nu’ng bumalik na siya mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Abangan!
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer