HINDI LANG bilang legal counsel ang naging papel ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta sa buhay ni Aldren Cudia, ang kadeteng hindi naka-graduate at na-dismiss sa PMA kaugnay ng usaping pagsisinungaling nang dalawang minuto itong na-late sa klase. Naging parang pangalawang ina na rin siya nito.
Kaya nga raw masaya si Atty. Acosta na nakapasa kamakailan sa entrance exam ng UP College Of Law si Aldrin.
“Kasama siya sa upper one hundred na tinatawag,” natutuwa ngang pahayag niya.
“So we’re expecting na sana makapagpanibagong buhay na. Hindi as soldier kundi isang estudyante na mag-aaral ng batas para maging public attorney. Ano na, e… mag-i-enroll na lang siya. Para sa August ay makapag-aral na siya.
“Kailangan niya ang kanyang transcript na sana ay maalis na ang nakalagay do’n na indefinite leave. At saka ‘yong diploma niya na… Bachelor Of Science. Para sana ay… sabi nga ng Supreme Court mag-change na siya ng life. Ito na talaga ang pagtsi-change niya ng life. PLano niyang kumuha ng Law. Mag-aabogasya siya.”
Bukod sa kaso ni Aldrin Cudia, tinututukan din ngayon ni Atty. Acosta ang kaso ng mga biktima at mga kaanak ng mga namatay sa lumubog na barkong MV Princess Of The Stars na pag-aari ng Sulpicio Lines. Ilang taon na ang nakararaan sapul nang mangyari ang trahedya at hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang hearing nito.
“Nag-file na kami ng formal offer of evidence. Merong anim diumanong testigong ipiprisinta ‘yong mga defendants… ‘yong may-ari ng barko. Malamang matatapos na itong sa Manila na about 74 cases. Within the year, matatapos.
“And then ‘yong sa Cebu naman, nag-hearing na rin kami para sa pagpiprisinta pa rin ng mga complainants. At ‘yong criminal case ay tuloy-tuloy pa rin ang pagbibista.”
Siya rin ang may hawak ng kaso ng kasambahay na si Bonita Baran na sinasabing dumanas ng matinding pagmamaltrato at pisikal na pang-aabuso diumano sa poder ng kanyang amo na nagresulta pa sa pagkabulag nito?
“Malapit na rin ‘yong matapos. At sa katapusan ng buwan na ito, pupunta ako ng Visayas para tulungan ‘yong mga political prisoners natin na mga kababaihan. Tapos ‘yong namatay sa pag-inom ng milk tea recently, lumapit sa akin ‘yong kapatid ng namatay para humingi ng tulong. At in-aasign ko na kay Atty. Howard Aresa ‘yong pagtutok. At nakausap na namin ‘yong pulis na taga-Manila Police District na nag-imbestiga. Talagang gusto naming tuklasin kung ano nga ba ang dahilan. Dahil nanigas pagkainom, na-paralized, at bumula ang bibig. Kung iyon ay food poisoning e, magsusuka lang at magkaka-diarrhea. Pero ito talagang kaagad ay fatal.”
Talagang padagdag nang padagdag ang mga kaso na dapat niyang tutukan.
“Punong-puno talaga ang schedule ko!” muling nangiting sambit ni Att. Acosta. “Medyo napapagod na rin ako. Pero alam mo naman, basta nakagagawa ka nang mabuti, nawawala ang pagod dahil nakatutulog ka nang mahimbing.”
Gaano man daw siya ka-busy, she sees to it na may nailalaan siyang quality time para sa kanyang pamilya.
“Saturday at Sunday ang para sa family ko. Nagluluto ako. Sabay-sabay kaming nagdi-dinner. Siyempre, kailangang may time pa rin ako sa aking asawa at mga anak. Ako nga rin ang naglalaba ng mga damit namin,” natawang kuwento pa niya. Siyempre. E, kasi… mabango, e. Ayoko nang pinapawisan ang family ko na iba ang amoy. Kasi kapag ikaw ang naglaba mismo, mabango!” tawa ulit niya.
“Ayan!” sabay pakita ng kanyang mga palad. “May sugat nga, e. Ebidensiya o, tingnan mo. Nagkasugat-sugat nga ako. Tumama sa washing machine, e.”
Hindi talaga kami makapaniwala na ang inirerespetong Chief ng PAO, kusinera at labandera ang drama kapag nasa bahay na nila. Pero totoo. Gano’n kasimple ang totoong personalidad ni Atty. Acosta.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan