Dear Atty. Acosta,
TAONG 2008 nang inireklamo ko sa aming barangay ang aking kapitbahay dahil naabuso niya ang karapatang pantao ko. Hindi kami nagkasundo sa barangay kaya nagsampa ako ng reklamo sa Piskalya. Ako po ay pumunta sa PAO-District Office na sumasakop sa lugar kung saan ako nakatira. Sinabi ko po na ako ay complainant at pumunta ako sa kanila dahil gusto kong hingin ang kanilang tulong. Hindi nila ako natulungan sapagkat hindi raw sila humahawak ng complainant o nagrereklamo. Ang mga akusado o ang inirereklamo lang daw ang kanilang tinutulungan. Kahit wala po akong abogado ay itinuloy ko ang kaso. Hanggang ngayon ay wala pa ring resolution ang Piskalya. Totoo po ba na hindi hinahawakan ng PAO ang mga complainant o nagrereklamo?
Abner
Dear Abner,
ANG PUBLIC Attorney’s Office (PAO) ay ahensiyang itinatag para magbigay ng libreng legal na serbisyo sa lahat ng uri ng kaso sa mga kababayan nating mahihirap. Ang mandato ng PAO ay nakasaad sa Section 3 ng R.A. 9406 na pinamagatang “An Act Reorganizing and Strengthening the Public Attorney’s Office (PAO), Amending for the Purpose Pertinent Provisions of Executive Order No. 292, Otherwise known as the “Administrative Code of 1987”, as amended, granting Special Allowance to PAO Officials and Lawyers, and Providing Funds Therefor”. Ayon sa batas,“The PAO shall independently discharge its mandate to render, free of charge, legal representation, assistance, and counseling to indigent persons in criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases. In the exigency of the service, the PAO may be called upon by proper government authorities to render such service to other persons, subject to existing laws, rules and regulations.”
Ang PAO ang siyang tumatayong abogado ng mga akusado sa mga kasong kriminal na nakasampa sa korte. Ngunit hindi lamang ang mga akusado ang maaaring matulungan ng PAO, sapagkat lahat ng kliyente na masasabing indigent ayon sa panuntunan ng opisina ang maaaring dumulog upang humingi ng legal na tulong sa iba pang uri ng kaso na hindi kriminal. Malinaw sa mandato ng PAO na ito ay maaaring magbigay ng libreng serbisyong legal sa criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases. Kabilang dito ang tulong kaugnay sa reklamong kriminal na isasampa o nakasampa na sa Office of the City or Provincial Prosecutor para sa isang imbestigasyon. Kahit sino sa mga partido ay maaaring lumapit sa PAO upang magpatulong. Sa gayon, maaaring tulungan ng opisina ang complainant o ang maghahain o naghain ng reklamo sa Piskalya sa paggawa ng complaint-affidavit o ano mang pleading na ipag-uutos ng Piskal na isumite sa kanya. Ngunit kapag nanalo ang complainant o nagreklamo sa Piskalya kung saan ay irerekomenda ng Piskal ang pagsasampa ng reklamo sa korte, hindi na maaaring irepresenta ng PAO ang complainant o nagreklamo sa korte sapagkat siya ay irerepresenta na ng Piskal.
Hindi na rin maaaring tulungan ng PAO ang complainant o ang nagreklamo kung nauna na ang respondent o inirereklamo na humingi ng tulong sa aming opisina. Ito ay sa kadahilanang ipinapatupad ng aming opisina ang “first-come, first-serve policy”. Ibig sabihin ay ang kliyenteng naunang pumunta sa PAO upang humingi ng tulong ang siyang bibigyan ng prayoridad para sa aming libreng serbisyong legal.
Kung sakaling natulungan na ng PAO ang complainant o ang nagreklamo sa Piskalya, hindi na matutulungan ng aming opisina ang akusado o ang inireklamo sa korte dahil sa “conflict of interest”. Maaaring sa pag-uusap ng aming abogado at ng complainant o nagreklamo ay may nasabi ang huli na mga sensitibong impormasyon na maaaring maging sanhi ng pagkatalo niya kung malalaman ito ng akusado. May posibilidad na magkaroon ng hindi patas na pagrepresenta ang PAO kung magkaganoon.
Maaaring managot ang abogado ng PAO na hindi magbibigay ng tulong sa mga kliyenteng karapat-dapat sa serbisyo ng aming opisina. Sa iyong kaso, maaari kayong dumulog sa aming tanggapan upang maghain ng pormal na reklamo laban sa abogadong nakausap ninyo. Ang tanggapan namin ay matatagpuan sa 5th Floor DOJ Agencies Building, NIA road corner East Avenue, Diliman, Quezon City.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta