NAGSIMULA NA kaming mag-taping ng bagong teleserye sa ABS-CBN, ang Walang Hanggan.
First taping pa lang namin, aba, ang bigat ng casting. Sina Helen Gamboa, Susan Roces, Eddie Gutierrez, Richard Gomez, Dawn Zulueta, Joem Bascon, Joel Torre, Melissa Ricks, Julia Montes, Paulo Avelino at Coco Martin.
At nagbabalik ang tambalang Arlene Muhlach at Ogie Diaz. Me gano’n? Hahaha!
HABANG NAGPAPA-MAKE-UP kami sa set ay tamang-tama, nandu’n na rin lang sina Joem at Paulo, kaya sinamantala na namin ang pagkakataon.
“Gusto ko lang sabihin sa inyo na dito ay isa akong artista, isang aktres. Hindi ako reporter, baka nahihiya kayong gawin ang gusto n’yong gawin, dahil natatakot kayo sa akin.
“’Wag, ha? Magpakatotoo kayo. Gusto n’yong sumigaw, magalit, magmura. ‘Wag n’yo kong intindihin.
“Okay lang, pare-pareho tayong artista rito.”
“Sige po, Sir Ogie!” sey ni Paulo.
At nagpahabol ako ng, “Oo nga pala, p’wede bang Ogie or Ogs na lang ang itawag n’yo sa akin? Magbarkada lang ang dating para walang wall.”
“Hindi po kasi ako sanay, eh,” sey uli ni Paulo.
“O, ganito na lang ang usapan. Usapang marangal, ha? ‘Pag narinig ko uli ang sir, isang chup* ah?”
Nagtawanan ang mga naroroon sa dressing room.
“Pero ‘wag n’yo namang sadyain, ha?”
Sey ni Paulo, “O, sige po, tito!”
Syet, sayang, “sir” lang ang usapan. Hahaha!
ANDITO KAMI sa Greenhills Shopping Complex habang sinusulat ito. Walang masyadong namimili.
Kilala namin ang mga Pinoy sa cramming, kaya feeling namin, dadagsa ang mga shoppers dahil gustung-gusto nating nakikipagsiksikan.
Ba’t kaya?
BAKA NAMAN may time kayo, watch n’yo naman ang advanced screening ng aming first ever produced indie film na kasali sa New Wave Digital Filmfest (sa ilalim ng MMFF) sa loob lang ng limang araw mula Dec. 17-21. Meron kaming premiere night at 8:30 pm tomorrow sa Robinson’s Gelleria. Limang napiling full length indie films ang may tag-isang sinehan sa Robinson’s Galleria at may labinlimang short films na sana ay suportahan natin ang maliliit na pelikulang ito at kasama na nga diyan ang produced ng OgieD Productions, ang Dyagwar.
Kuwento ng magpinsang gwardya (Eric Fructuoso at Boom Labrusca) ng isang compound na sila mismo ang nakaka-witness sa mga nangyayari sa kanilang mga tenants.
Na sa bandang huli, sila’y masasangkot. At ba’t nga ba sila nasangkot? Ba’t nga ba sila umiiyak? At ano ang kinalaman ng “mahiwagang banyo” sa tabi ng kanilang guard post?
Alam namin ang istorya, dahil kami ng direktor na si Sid Pascua ang sumulat ng screenplay. Sana, maibigan n’yo ang naughty-comedy film na kahit ang pinakamaramot ngumiti ay mapapahalakhak dito.
Next year na ang regular showing nito.
‘Wag n’yong kalilimutang i-like at panoorin ang www.facebook.com/vibestayo, ha? Sundan nyo rin kami sa twitter @ogiediaz.
Oh My G!
by Ogie Diaz