Humahataw ngayon ang pelikulang “Die Beautiful” hindi lang sa takilya, kundi maging sa mga papuri man sa mga manonood ng 2016 Metro Manila Film Festival. Ang bagong obrang ito ni Direk Jun Robles Lana ay tinatampukan ng versatile na si Paolo Ballesteros.
Sa naturang pelikula ng October Train Films at TheIdeaFirst Company, gumaganap si Paolo bilang isang transgender na kontesera. Aminado siyang matagal ang hinintay bago dumating ang kanyang biggest break sa pelikula.
“Sixteen years in the making ito and finally may dumating na isang ganitong project. Parang ito na ‘yung culmination ng lahat ng hirap at pagod ko. Kaya overwhelming talaga, kasi ang tagal kong hinintay ito at finally, ‘eto na,” pahayag ng Dabarkads na si Paolo.
Dagdag pa niya, “Matagal na akong nag-aartista, pero kumbaga ay ngayon lang talaga, mula sa pagkabata ko, ako nagkaroon ng pagkakataon. So, I’m very excited kasi this is my first, biggest break ko ito. And personal ito sa akin, dahil unang-una, iyon nga, hindi lang ako artista rito, make-up artist din,” nakatawang saad pa niya.
“Hindi lang kami nag-prepare dito emotionally, physically… I mean ‘yung mga bakas ng packing tape ay nandoon pa rin sa katawan ko. And I think it will stay forever na. Kasi, ayaw niyang matanggal, hahaha!”
Ipinahayag pa ni Paolo na nakai-inspire gumawa ng mga tulad ng pelikulang “Die Beautiful”.
“It was very inspiring talaga. I think siguro, kahit isang movie a year (gagawa ako), kasi ay ‘Eat Bulaga’ pa rin talaga ang priority ko, e. Always EB ang priority ko, pero nakai-inspire talagang gumawa ng mga ganoong klase ng pelikula.
“Talagang nakai-inspire, lalo na siyempre noong na-recognize. Lahat naman ng effort, kapag naman may project ako, same effort naman ang ginagawa ko.
“Ako ang klase ng tao na mahilig sa challenges. Mahilig ako na tsina-challenge ko ang sarili ko. Kumbaga, kung hindi man siguro mahigitan, pero ‘yung level ng, alam mo iyon? Iyong effort, iyong level ng performance, ay ganoon lagi.”
Ano ang reaction mo na favorite kang manalong Best Actor sa MMFF?
Sagot ni Pao, “Hindi naman ako nag-e-expect, pero siyempre laging hopeful, ganyan, sana. Kung manalo sana, eh ‘di mas maganda,” nakangiting saad niya.
Binigyan din ni Paolo ng credit ang mga kasama sa pelikula at ang kanilang director sa magandang feedback sa “Die Beautiful”.
“Nakapa-proud ang reaction ng mga tao sa movie namin, pero hindi lang ako ang gumalaw sa pelikula, e. It’s a group effort, nand’yan ‘yung director namin, ‘yung iba pang casts at mga crew. Kumbaga, hindi naman magiging ganoon ang impression ng mga tao kung hindi kami nagtulungan lahat.
“Kaya nakapa-proud lang talaga, kasi talagang labor of love ito, eh. Nakapa-proud na iyong pinaghirapan mo, nakikita mong maganda ang kinalabasan.”
Bukod kay Pao, ang “Die Beautiful” ay tinatampukan din nina Luis Alandy, Joel Torre, Gladys Reyes, Albie Casiño, Inah de Belen, Christian Bables, IC Mendoza, Cedrick Juan, at iba pa.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio