Sa isang Facebook post ay nagsalita na si Paolo Contis tungkol sa hiwalayan nila ng partner na si LJ Reyes. Ginawa raw niya ito para matigil na rin ang pamba-bash sa kanya ng netizens sa social media.
“After lumabas ang interview ni LJ, katakot takot na pang aalipusta at pambabatikos ang natanggap ko. I can’t say I don’t deserve it kaya tinatanggap ko lang ito,” simula ni Paolo.
“I understand all your frustrations. Gusto ko sana manahimik kaya lang marami nang mga nadadamay na hindi dapat kaya mas mabuti sigurong sagutin ko ang ilan sa mga ito,” patuloy niya.
Pinabulaanan din ni Paolo ang mga kumakalat na balitang sinasaktan niya si LJ at ang mga anak nito na resulta diumano ng kanyang pagda-drugs.
“Merong nagsasabi na meron siyang reliable source that I take drugs and as a result, sinasaktan ko si LJ at ang mga bata. This is NOT true. Minahal at inalagaan ko sila. I never laid a finger on them,” ani Paolo.
Pero ang tungkol sa pagiging marupok niya bilang isang lalaki ay hindi niya naman itinanggi. Ikinakahihiya pa nga raw niya ito.
“Aaminin ko, naging marupok at gago ako sa ilang taon naming pagsasama. I’m not proud of it. For that, I’m sincerely sorry. I’m truly ashamed of my actions,” lahad pa niya.
Pinabulaanan naman ni Paolo na ang aktres na si Yen Santos ang third party at dahilan ng kanilang paghihiwalay ni LJ.
“She was never the reason of our breakup. I was. Kung matagal na kaming hindi okay ni LJ, it was mainly because of me. Masyado niyo siyang diniin sa issue na ‘to. Pati pag promote namin ng movie nabahiran na ng kung anu ano,” giit niya.
Idinagdag din ni Paolo na siya mismo ang nag-imbita kay Yen sa Baguio nang lumipad si LJ papuntang Estados Unidos. Nag viral sa social media ang ilang mga larawan ng dalawa na magkasama at naging usap-usapan ng mga netizens. Ngunit hindi umano ito dapat bigyan ng malisya dahil magkasama sila doon bilang magkaibigan lamang.
“When LJ left for the States with the kids, I went to Baguio for 3 days dahil ayaw ko sa Manila at gusto kong makapag isip isip. Naging insensitive ako about the possible effects nung issue and I invited Yen for a day para may makausap since malapit lang siya sa North din. She went there as a friend. Hindi ko naisip na madadamay siya ng ganito. I’m sorry for this,” paglilinaw pa niya.
Samantala, ani Paolo, nirerespeto niya ang desisyon ni LJ na lumipad papuntang US at sana raw ay makapag-usap umano upang maayos ang lahat balang araw.
“I was very clear to LJ when I told her I want to see and take care of Summer kahit hindi kami okay. But I understand and respect her decision to go to the States muna. Sana balang araw makapag-usap kami ng maayos para sa bata. Madami pang kailangan pag usapan pero sa amin na lang ni LJ yun at sana respetuhin niyo yun,” sabi pa ni Paolo.
“To LJ, I’m very sorry. For everything. Sa lahat lahat,” mensahe niya kay LJ.
“I will work on making myself a better person and learning from this. But for now, please respect our privacy and pray for us. Ngayon kung hindi pa po kayo pagod, please direct all your hate and bashings at me. No one else deserves it, ako lang. Thank you,” pahayag ni Paolo.