PANIBAGONG KASAYSAYAN na naman ang maitatala sa darating na ika-15 hanggang ika-19 ng Enero sa pagdaos ng ikaapat na Papal Visit sa ating bansa. Pang-apat na si Pope Francis sa mga Santo Papa na pumili sa Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa Asya na kanyang bibisitahin. Bago pa muna siya magtungo rito, siya muna ay bibisita sa Sri Lanka.
Kaya naman idineklara ng Malacañang ang non-working holiday rito sa Metro Manila para magbigay-daan sa pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa. Tinatayang aabot sa limang milyong katao ang dadalo sa Luneta Park, Quirino Grandstand at Mall of Asia habang aabot din sa daan libong katao ang magtutungo naman sa iba pang lugar na kasama sa itinerary ni Pope Francis gaya ng Tacloban City sa Leyte at University of Santo Tomas.
Mula sa Sri Lanka, inaasahan ang pagdating ng Santo Papa sa ating bansa nang Enero 15, 5:00 pm. Susundan agad ito ng motorcade papunta sa kanyang titirhan. Kinabukasan, Enero 16, opisyal siyang sasalubungin ni Pangulong Aquino sa Malacañang Palace. Doon pa lang, kikitain din ni Pope ang mga Philippine authorities at miyembro ng diplomatic corps.
Pagkatapos magkaroon ng salu-salo sa Malacañang, magkakaroon ulit siya ng motorcade patungong Cathedral Basilica of the Immaculate Concepcion o ‘yung dating tinatawag na Manila Cathedral. Magkakaroon din siya ng pagtitipon kasama ang mga piniling pamilya. Ito ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa Sabado, Enero 17, magtutungo naman ang Santo Papa sa Archdiocese of Palo sa Eastern Visayas, Leyte upang magdaos ng misa para sa mga nasalanta ng kalamidad malapit sa Tacloban Airport. Kasama ring manananghalian ni Pope Francis sa Archdiocese of Palo ang mahihirap at mga survivors ng mga kalamidad na tumama sa nasabing lugar. Bebendisyunin din niya ang Pope Francis Center for the Poor sa Palo, Leyte. Matapos nito, kanyang bibisitahin ang Cathedral of Our Lord’s Transfiguration o ang Palo Cathedral upang makasalamuha ang mga pari at madre na naroon.
Sa Enero 18, Linggo, babalik siya ng Maynila upang magtungo sa Royal and Pontifical University of Santo Tomas. Ang nasabing unibersidad ay kilala bilang pinakamatandang Catholic university sa Asya at naging malapit din sa puso ng ibang naging Santo Papa kaya rin personal na napili ito ni Pope Francis upang kanyang bisitahin. Makikisalamuha rin siya sa mga religous leaders at mga piling kabataan doon. Sa hapon, siya ay magkakaroon ng motorcade muli papuntang Quirino Grandstand sa Luneta Park upang doon idaos ang kanyang Concluding Mass.
Siya ay aalis ng bansa pabalik ng Roma kinabukasan, Enero 19. Masuwerte tayong mga kabataan ng henerasyon ngayon dahil masasaksihan natin ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa. Nawa’y maging inspirasyon ito at magsilbing bagong pag-asa sa lahat na ang inaasam-asam na kapayapaan ay atin nang makakamit.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo