HABANG PATULOY NA sumisikat si Erich Gonzales, isang napakalaking hamon sa kanya ngayon kung papaano niya lilinisin ang kanyang pangalan tungkol sa kumakalat na paninira laban sa kanya.
Diumano’y siya ang papalit sa trono ni Marian Rivera sa pagiging palengkera. Hindi na lang kasi pagiging taklesa ang ibinibintang ngayon kay Erich, kundi sanay na sanay raw magmura ang magandang young actress at para bang napakasimple lang sa kanyang bigkasin ang masakit na salitang “Put— ina mo!”
Sa totoo lang, nakakaalarma ito, dahil kahit nu’ng panahong sumasali pa lang si Erich sa Star Circle Quest ng ABS-CBN, nababanggit na nga ang kanyang pangalan, na madulas daw ang dila sa pagsasalita, kaya maldita ang kanyang dating.
Nakakaloka rin, dahil kahit ako ay nabiktima na ni Erich ng kataklesahan niya nu’ng hindi pa siya sikat. Ilang beses na niyang ipinagtanggol ang kanyang sarili, na hindi naman daw nagbabago ang kanyang ugali ngayong nagbibida na siya. Pero, pinagtataasan ng kilay ang kanyang mga sinasabi, put-on lang daw ang kadramahan ng pagbabait-baitan niya?
Dalagang-dalaga na si Erich, at ang ganda-ganda niya ngayon. Nararamdaman na talaga ang kasikatan niya. Matagumpay ang pagbibida niya sa mga teleseryeng Katorse at Tanging Yaman, maging sa Magkaribal. Minamarkahan na ng mga taga-showbiz ang ugali niya kung pumapasok nga sa ulo niya ang kasikatan. Magkakaroon na ng launching movie ang loveteam nila ni Enchong Dee sa Star Cinema. Habang umaangat ang kanyang movie career, maging simple at mapagpakumbaba pa rin sana siya katulad nina Judy Ann Santos, Claudine Barretto at Bea Alonzo.
MAYROON AKONG KAIBIGAN na galing Italy. Mga labinlimbang taon na rin siyang nagtatrabaho roon, kasama ang kanyang pamilya. Pinasyalan ako kamakailan ng aking kaibigang si Edgar Torres ng San Felix, Sto. Tomas, Batangas, para magpaalam na babalik na raw ulit sila sa Italy sa first week ng September.
Balita niya sa akin, hindi na talaga sila nahuhuli pagdating sa panonood ng mga programa sa telebisyon. Kaya para na ring hindi sila umalis ng Pilipinas kung paglilibang sa TV ang pag-uusapan. Tinukoy niya na mas inaabangan talaga ng mga ‘Pinoy sa nasabing bansa ang mga programa ng ABS-CBN.
Talaga raw sa Italy ay usap-usapan pa rin ang hindi na nga pagbabalik ni Willie Revillame sa kanyang dating programang Wowowee na pinalitan na nga ng Pilipinas Win Na Win ni Kris Aquino. Tinanong ko ang aking kaibigan: “Kumusta naman ang mga Pinoy sa Italy, gusto pa ba o ayaw na nilang bumalik si Willie noon sa kanyang programa?”
Wika ng aking kaibigan: “Iba’t iba naman ang sinasabi ng mga ‘Pinoy roon. Mayroon pa ring gustong ibalik sana si Willie, pero mas marami ‘yung ayaw na sa kanya. Unang nainis sa kanya ang mga ‘Pinoy sa Italy nu’ng magtaray siya tungkol sa coverage ng burol kay Cory Aquino. Nasundan pa nitong huli. Nayabangan na sa kanya.”
Hindi pa talaga malalaman ngayon ang pulso ng masa kung napatawad na ba nila o hindi pa si Willie, dahil marami pa ring kabuntot na intriga ang kasalukuyan niyang sitwasyon, habang nalalapit na ang pangako niyang pagbabalik-telebisyon. Magkakaalaman na, kung sa muli niyang pagsalang sa bago niyang programa ay patok pa rin siya sa mga manonood. Tanggap naman ng komedyanteng TV host, na mayroon na rin siyang natutunanan sa mga nakalipas niyang pagkakamali, na willing din naman siyang maitama. Kaya pupuwede naman siguro siyang bigyan ng isa pang pagkakataon.
ChorBA!
by Melchor Bautista