Para ‘di matulad kina Jake at Gerald Zanjoe Marudo, kailangang ipaglaban si Bea Alonzo!

BAGAY RIN PALANG tingnan kung magkasama sina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo. Maganda ang mukha ni Bea na pansinin talaga. Habang si Zanjoe naman ay maganda ang height na siyang laging napapansin sa kanya. Halata rin sa mga kilos ni Zanjoe na mahalaga na sa kanya ngayon ang original na ka-loveteam ni John Lloyd Cruz, dahil sobra niyang iniingatan ang dalaga.

Sana lang, si Zanjoe ay hindi matulad kina Jake Cuenca at Gerald Anderson na parehong naging malapit kay Bea, pero bigla na lang nawawala sa eksena. Kasi nga, lagi na lang nagiging mailap si Bea na harapin ang isyung nagtatanong kung bakit nawala na lang bigla ang pakikipaglapit niya sa mga lalaking minahal niya rin naman. Basta parang natatapos na lang iyon nang si Bea na lang ang nakakaalam ng kuwentong nakapaloob sa kanilang hiwalayan.

Kung mahal din ni Zanjoe si Bea, patunayan at ipaglaban niya. Para mapatunayan niya rin sa maraming tao, na hindi totoo ang tsismis, na nagmumukmok pa rin siya, at minsan ay napapabayaan niya ang kanyang sarili, dahil hindi pa rin niya makalimutan ang ex-girlfriend niyang si Mariel Rodriguez.

SESEGUNDAHAN KO LANG ang sinulat ng kapit-bahay nating columnist dito sa Pinoy Parazzi na si Ronnie Carrasco tungkol sa hindi naging kagandahang-asal ni Pia Guanio nang minsang lapitan siya para interbyuhin ng mga taga-programang Tweetbiz ng QTV, na ang ending ay parang nabastos ang mga gustong mag-interbyu sa kanya. Naku, may karanasan din ako d’yan kay Pia na hindi ko makakalimutan. Na kapag wala na pala siya sa harap ng kamera ay may kakaiba talaga siyang ugali.

Kapag kasi walang masyadong balita ay masarap tumambay sa studio. Madalas akong pumasyal kapag Sunday noon sa GMA-7 dahil maraming artista. Sa SOP pa noon kami lagi. Ang programa pa nina Pia at Paolo Bediones ay S-Files at dumadaan sila sa tapat ng studio ng SOP para makapunta sa lumang studio kung saan ginagawa dati ang S-Files at Startalk noon. Nu’ng matanaw ko si Pia ay nilapitan ko siya, habang katsikahan si Jun Lalin. Sabi ko: “Pia, puwedeng pa-interview?” pero nakatalikod na si Jun noon, para umalis. Sagot ni Pia sa akin: “Alam ba ni Jun Lalin ‘yan?” sabay tinalikuran na niya ako.

Ganu’n lang. Ni wala siyang salitang: “Sorry, hindi ako nagpapa-ambush interview!” Gusto ko sanang isipin noon, na nakakabastos siya, dahil tinalikuran niya na lang ako samantalang marespeto naman akong nagpaalam sa kanya. Sa inis ko na lang sa kanya ay inisip kong: “Malalaos ka rin, Pia ka! Hindi ka na pag-uusapan kapag hindi ka na love ni Vic Sotto!”

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleWilling Willie Girls, binoykot ang show ni Papi Willie Revillame?!
Next articleYasmien Kurdi, ‘di na naman sinipot sa korte BARON GEISLER, IPAARESTO NA!

No posts to display