PATAPOS NA ang unang quarter ng taong 2014. Kay bilis nga naman ng panahon, bukas, buwan na ng Abril. Pero mga bagets, napansin n’yo rin ba na bago na naman ang mga uso ngayon. Kung matatandaan, ako ay gumawa ng article noong Enero tungkol sa trending sa mga bagets at laking gulat ko na kay bilis mapalitan ng mga uso ngayon dahil iba na ang mga ito. Kaya, kung gusto n’yong maging in, ang aking mga babanggitin ay iyong bilhin.
1. Snapback
Ang snapback ay isang urban term at pinaiksi sa sumbrerong tinatawag na adjustable flat-brimmed baseball cap. Ito ay sumbrero na may kasama rin na snap fasteners sa likod. Uso ito ngayon sa mga bagets mapa-babae man o lalaki. Ang in na in ngayon ay snapback na may disenyo na florals dahil kahit mga lalaki ay ginugusto itong bilhin. Mayroon ding couple snapbacks para sa mga magkasintahan na gustong makiuso.
2. Aviator Flash lenses
Ang mga kabataan ngayon ay mauutak. Lahat ginagawan ng paraan. Kaya kung ‘di man nila afford ang Rayban sunglasses na nakalulula nga naman ang presyo, hindi ‘yan problema sa mga bagets dahil may aviator flash lenses naman na puwedeng gawing pamalit. Ito ay uri ng glasses na walang pinagkaiba sa Rayban aviators. May mga iba’t ibang kulay pa na puwedeng pagpilian. Ang presyo nito ay nagsisimula sa P150.00 hanggang P300.00, depende kung saan ka bibili.
3. Micro Lens, Macro Lens, Fish Eye Lens
Para sa mga bagets na ubod ng vain at sawang-sawa na sa ordinaryong kinalalabasan ng kanilang larawan pagka-picture, nauuso ngayon ang iba’t ibang uri ng lenses na kini-clip lang sa inyong mga smartphones. Kung gustong super zoom, mag-micro lens ka. Kung buong landscape naman ang gustong kunan, ‘yung tipong pati background kitang-kita, mag-macro lens ka naman. Ang pinakauso naman sa lahat ng lens ngayon ay ang fish eye lens. Ito ay uri ng lens na nagbibigay ng ilusyon na pabilog ang kuha sa larawan habang ang subject ay naka-zoom. Ang magandang balita, sa halagang P700.00 hanggang P1,200.00, 3- in-1 na ang lenses na ito.
4. Powerbank
Naku po, problema ng mga kabataan ngayon ang mabilis na pag-lowbat ng kanilang mga smartphones. Ito ay sa kadahilanan na wala silang tigil kate-text, kapi-picture, kalalaro at kai-Internet sa kanilang cellphone. Ngayon, salamat sa powerbank at binigyan ng solusyon ang kanilang problema. Kahit saan, kahit kailan, puwedeng-puwede ka nang mag-charge gamit ang powerbank. Ang isang powerbank ay puwede sa mga smartphone. Ito ay kailangan lang i-charge nang matagalan sa bahay para magamit pang-charge ng cellphone kahit ikaw ay nasa labas at ‘di mo na rin kailangang isaksak pa. Ito ay nagkakahalaga ng P1,200.00 hanggang P3,000.00.
5. Selfie pod
Ang pinakauso sa lahat ng uso ngayon. Wala na ngang mas trending pa sa selfie pod. Sa henerasyon ba naman ng selfie bagets ngayon? Malamang papatok ang selfie pod. Ito ay isang monopod na naie-extend para magpaganda ng kuha ng selfie. Puwede ito sa mga smartphone. Ang halagang P850.00 hanggang P1200.00 ay kinakailangan gamitin ang timer ng camera app ng cellphone para makakuha ng larawan. Samantalang ang selfie pod na may kamahalan na umaabot ng P2,000.00 ay de-pindot na monopod na. Kini-click na lang ito sa handle upang makapagpicture at ‘di na kailangan ng timer.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo