INIS NA inis tayo sa mga taong nagpa-flood ng mga newsfeed natin sa Facebook, Instagram at Twitter. Lalo na kung puro selfies na may iisang ngiti, reaksyon o anggulo lamang ang mga larawan. Naiinis din tayo sa mga taong sunud-sunod kung mag-upload ng mga larawan.
Sa Facebook, puwede pa itong masolusyonan sa pamamagitan ng paggawa ng album, pero sa Instagram? Walang album- album du’n. Kaya paano na nga ba? Aminin naman natin, kahit naman tayo, may mga panahon na kay rami nating gustong i-upload sa Instagram pero hindi natin magawa-gawa dahil sa takot na maakusahan na mahilig mang-‘flood’ ng newsfeed. Pero worry no more! May solusyon na tayo para riyan at ito ang Flipagram!
Ang Flipagram ay isang app na puwedeng mai-download sa App Store. Nang dahil sa Flipagram, ang iyong mga simpleng larawan ay puwede nang maging pelikula! Paano? Simple lang. Ang nasabing app ay isang picture slideshow creator. Kaya kahit walang album sa Instagram, hindi ka na mahihirapang pumili ng isang ia-upload mula sa sangkatutak na gusto mo ring i-upload. Dahil sa Flipagram, magiging posible i-share sa iyong friends at followers ang mga ito nang hindi ka nangpa-flood. Puwede pang samahan ng background music ang slideshow mo.
Paano nga ba ito? S’yempre i-download muna ang Flipagram app. Kapag na-install na ito, pindutin lang ang ‘start’ at mamili sa Gallery ng mga larawang gustongt maisama sa slideshow. Ang mga mapipiling larawan ay mababansagan ng Flipagram bilang “Moments”. Matapos pindutin ang right arrow, makikita mo na ang mga options kung paano mo iko-customize ang iyong slideshow. Nariyan ang Add Music. Pagbibigyan ka pa ng Flipagram mag-download ng kanta kung wala ito sa playlist ng cellphone mo. Nariyan din ang Insert Title at Insert Watermark. Kung masyado ka nang sabik i-upload ito, puwede rin namang kahit wala nang title o watermark. Labing lima hanggang tatlumpung segundo lang ang puwedeng itagal ng slideshow video. Hindi na masama! Sapat na nga ito. Sa katunayan, makararami ka pa nga.
Puwedeng-puwede na itong i-post sa Instagram via video upload basta siguraduhin mo lang na hindi lumagpas ang slideshow sa 15 segundo. Puwede rin namang sa Facebook kahit hanggang 30 segundo pa! Hindi ka pa mahihirapan i-upload ito dahil maliit lang naman ang video.
Kaya masasabi talaga natin na Flipagram na siguro ang isa sa mga pinakamagandang naimbentong app para sa ating smartphone. Mapapansin din naman natin na marami na ring apps ang gumaya pero alam pa rin natin na ang Flipagram ang nauna sa lahat.
Dahil libreng-libre ang Flipagram, wala na siguro tayong makikitang dahilan para mang-flood ng mga newsfeed ng iba. At hindi lang ‘yan, sa Flipagram, magiging malikhain ka pa. Kaya para iwas flood, Flipagram lang ang solusyon diyan. Para mas masaya, Flipagram lang ang kasagutan diyan!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo