NAAAWA KAMI kay Mommy Guwapa sa sitwasyon nya ngayon. ‘Yan ang tawag ng mga reporters sa ina ni Isabel Granada at the time na kabilang pa si Isa sa That’s Entertainment show ni German Moreno noon sa GMA.
Palagi kabuntot si Mommy Guwapa kung saan ang anak na si Isa na habang isinusulat ko ang item na ‘to, napapangiti ako sa pagbabalik-alaala noong panahon na walang wall between the artistas and the reporters.
Si Mommy Guwapa, sasabat yan sa tsikahan to defend her daughter in her Spanish-Filipino accent na ang mga reporters noon ay masayang pinaguusapan ang tungkol sa tsismis sa secret love affair nina Isa at Ruben Manahan ang topic namin at pini-playtime ang loveable na ina ni Isa.
Those were the days na malaya at very “personal”ang mga showbiz reporters at artista noon.
Sa mga naglalabasang mga balita ngayon tungkol kay Isa na kasalukuyan ay lumalaban para sa kanyang buhay sa isang ospital sa Doha, Qatar, madami kami naalala during those days na nagsisimula pa lang si Isa.
Tuwing Sabado sa Broadway Centrum ay sumisilip kami para mapanood ang mga bonggang production numbers ng iba’t ibang members from the Monday hanggang sa Friday group.
Si Papa Pi aka Piolo Pascual for you ay baguhan pa lang noon at nakikita na namin sa rehearsal area ng grupo niya tuwing Friday night na malapit sa Department of Fisheries along Quezon Ave. na ngayon ay halos katabi ng Club Pegasus. Guwapo na si Papa Pi noon pa man. Yun nga lang mahiyain. Ngingiti lang kapag tinatawag mo ang pansin. PJ Pascual pa ang screen name na ginagamit nya nun.
Sa panahong yun, ang dami naming mga kaibigan sa sinasabi nila o tawag na mga stage moms. Ang mommy ni Jennifer Sevilla, love namin yan bukod kay Mommy Guwapa. Maging ang ina ni DJ Durado, love din namin na naging kaibigan na namin ang buong pamilya nina DJ. Ang saya namin noon.
Panahon ýun na ang mga artista ay kaibigan ng mga reporters. Ang mga entertainment writers ay barkada ng mga artista na hindi tulad ngayon na parang takot na takot sila magpakilala kung ano at sino sila.
Sina Chris Villanueva at Tina Paner, Manilyn Reyne at marami pang iba ay katsismisan namin na walang mga RM or handler na nakabuntot sa mga alaga nila na pakiwari nila’y takot na takot sila na magkamali na sila mismo ay walang tiwala sa mga alaga nila.
Iba ang panahon na yun na sorry na lang sa mga baguhang mga reporters-bloggers ay hindi naranasan ang mga pagkakataon na yun.
I remember kung gaano ka-love ng mga reporters si Tito Douglas Quijano nun. Kaibigan niya ang mga reporters. Pare-pareho ang turing niya sa amin.
With Tito Dougs, naging malapit kami sa mga tinatawag na mga “Douglas Babies”, with the likes of Richard Gomez (now Ormoc City Mayor); Tsong Joey Marquez, John Estrada, Gelli de Belen, The Guwapings (Jomari Yllana, Eric Frustuso at Mark Anthony Fernandez) na isa kami s naisama sa Hong Kong for the pictorial ng first Bench print ads ng tatlo; maging si Aiko Melendez at Janice de Belen or even Alma Moreno wala sila mga wall sa mga reporters.
Si Manay Ethel Ramos, kampante siya sa mga reporters na alam niya na protektado ang alaga niya na si Aga Muhlach na sa shooting ng aktor sa Argao, Cebu kasama si Carmina Villaroel ay kaututang dila namin duing shooting breaks.
Kay Aga ko pa nga maikuwento ang “lovelife” ko na pinayuhan pa ako na naging running joke namin ang phrase na : “May karapatan ba ako?”, na kapag nakakasalubong ko si Aga, ang linya na yan ang nagpapaalala sa akin sa taong naging bahagi ng tsikahan namin.
Ang daming mga kuwento na babalik-balikan na lang namin. Those were the happy days na ang relasyon ng mga artista at reporters ay kakaiba.
Tulad ng kuwento namin tungkol kay Mommy Guwapa at Isa, tuloy-tuloy lang ang buhay. We wish Isa na maka-survive sa pagsubok na ito, Let’s pray for Isa.
Mamayang 1:00 AM (Saturday, October 28) ay lilipad papuntang Doha, Qatar si Mommy Guwapa na ang real name ay Isabel Villarama kasama ang apo niya at anak ni Isa na si Hubert Thomas Jericho na isang 14 years old cutie na buddy-buddy ng aktres na anak nila ng dating asawa na si Geryk Aguas na isang singer from Pampanga.
Reyted K
By RK Villacorta