CLOSE PA rin at regular ang communication nina Rocco Nacino at Lovi Poe kahit natapos na ang pinagtambalan nilang afternoon series sa GMA-7 na Yesterday’s Bride. Iniisip tuloy ng iba na baka talagang totoo ang napapabalita na dati pa na nagkakamabutihan na sila.
“Okey lang kami,” ani Rocco nang makausap namin. “Busy siya ngayon. Ang dami niyang trabahong ginagawa, eh.
“But we’ve been talking a lot. Siyempre nakaka-miss din ‘yong kulitan namin sa set.”
Nakakapag-hang-out pa rin sila together?
“Recently wala pa, eh. Pero nagkikita naman kami rito sa Party Pilipinas. Regular naman ‘yong communication namin. Kapag nagkikita kami, we’re always catching up on things.
“Nagkukumustahan kami kung ano ang nangyayari sa isa’t isa. Kung gaano kami ka-busy sa trabaho lately. Pero masaya pa rin. Tuluy-tuloy pa rin ‘yong friendship namin. Kaya… masaya.”
Ang dating naugnay sa kanya na si Sheena Halili, wala na talaga? Terminated na totally ang dating exclusively dating status nila?
“Huwag na nating pag-usapan ‘yon,” nangi-ting pag-iwas ni Rocco. Happy ako sa nangyayari sa akin ngayon,” nangiti niyang sagot. “Masaya ako sa career ko. Sa aking personal life.”
Sa lovelife?
“Medyo… hinay-hinay muna ako pagdating sa lovelife!” bahagyang natawang sagot ng aktor. “Magaganda ang mga project na ibinibigay sa akin ngayon, eh. So, tama lang na mag-focus muna ako sa work at i-prioritize ang career ko.”
Excited nga raw si Rocco sa ginawa niyang serye for GMA News TV 11. Ito ay Ang Bayan ko na magsisimulang umere on March 10.
“Malaking challenge ‘yong role ko rito. Kasi ang hirap gumanap para sa isang tao o character na hindi ko ka-age. I’m playing 35-year old mayor here. Na sa hitsura pa lang na may white hair ako. Mahirap.
“Tapos pinababago pa ‘yong boses ko kapag nagbibitaw na ako ng aking dialogues. Mahirap talaga siya. Kaya naging malaking challenge ito para sa akin. Habang ginagawa nga namin ang series na ito, na-realize ko… ang hirap palang pumasok sa politics.”
Ibig bang sabihin, sa totoong buhay ay hindi niya hahangarin na maging pulitiko?
“Hindi. Ayoko!” muling natawang sabi ni Rocco. “Let the experts do it. Dito na lang ako sa pag-arte. Pero hindi ko naman sinasabi na pangit sa pulitika. Sa tingin ko kasi, mahirap maging isang public servant. Na kung mayor pa nga lang, mahirap na, eh. Paano pa ‘yong mas matataas na posisyon? So, hindi biro ang politics talaga. It’s really hard. Everyday you have to deal with problems.
“I’ve never played the role of a politician before. Kaya ang ginawa ko, nagpunta ako sa city hall namin sa Pasig. Nagtanong ako tungkol sa trabaho at role ng isang mayor. Ano ‘yong mga hinaharap niyang mga problema. At kung ano ang mga ginagawa niya araw-araw.
“For me, importante kasi na malaman ko ‘yon. Para maipasok ko sa character ko as mayor nga ro’n sa series na Bayan Ko. Dapat ang mayor namin (Mayor Bobby Eusebio) ang kakausapin ko. Kaso no’ng nagpunta ako sa city hall, kailangan na niyang umalis. So, ang nakausap ko, ‘yong city administrator. At nagbigay siya sa akin ng breakdown ng roles ng isang mayor.
“At least, nalaman ko kung paano kumilos o gumalaw ang isang mayor. At malaking tulong ito para sa pagpu-portray ko ng aking character bilang mayor din.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan