MATINDI NA TALAGA ang away nina Jobert Sucaldito at Direk Wenn Deramas, kung saan humantong na sa bantaan. Kung si Direk Wenn ay nagsabing hindi siya natatakot kay Jobert at nilait niyang masisira ang kutis ng kanyang kamao kapag sinapak niya ang kontrobersiyal columnist, sinagot ito ni Jobert ng, “At least daw ay aminado siyang hindi nga kakinisan ang kanyang mukha, pero wala akong buni sa singit ko ‘no.”
Ayon kay Jobert, katsipan ang patulan ang away nila ni Direk. “Ako naman, hindi pumapatol sa ganitong away dahil hindi naman ako katsipan. Pero, kung gusto niya akong hamunin sa kahit na anong away ay hindi ko siya uurungan, dahil hindi naman ako natatakot sa mga mayayabang na tao na tulad niya.”
Ayon kay Jobert, hindi siya kailanman matatakot sa tulad ni Direk Wenn lalo na’t hindi ito totoo sa kanyang sarili. “Matagal na ang away na ito, Morly, sino ba naman ang matutuwa sa ganyang mga tao na naghahangad na makapagpaalis ng trabaho ng kanyang kapwa. Noon, umakyat pa iyan sa mga boss para ipatanggal ako noong mga panahong ipinagtanggol ko ‘yung isang staff na nakaaway ni DJ Durano. Tapos nu’ng nag-away kami ni Willie Revillame, isa rin ‘yan sa nagsasabing tanggalin na ako. Teka muna, sino ba siya? Anong karapatan niyang magpatanggal sa isang tao. Tayo naman Morly, ang pangarap natin ay makatulong sa kapwa at hindi ang makapanakit o mawalan ng trabaho ang ating mga kaibigan. Dahil paano na ‘yung mga taong umaasa sa atin kung mawawalan tayo ng work, ‘di ba?”
Nilinaw ni Jobert na hindi personal na sinabi niyang flop ang pelikulang Petrang Kabayo. “May nag-text sa akin na apat sa ibaba at limang tao lang sa itaas ang nanood ng Petrang Kabayo sa SM Marikina, at ni-report ko iyon du’n sa pang-umagang show namin ni Kabayan, dahil sa respeto ko kay Ogie Diaz at Vice Ganda na kaibigan naman natin. Bakit masama na ba ngayong magsulat ng opinion ng ibang tao? Kanya-kanya tayo ng idea, kung hindi totoo ‘yung balita, puwede naman nating linawin iyon at hindi ‘yung maghahamon na lang siya sa akin ng suntukan.”
Ayaw ni Jobert ng away, pero kung pipilitin daw siya ay handa siya sa anumang laban para kay Direk Wenn. “Isa lang ang masasabi ko sa kanya, tigilan niya ako. Hindi siya ‘yung taong katatakutan ko dahil kung hindi ko siya papalagan ay baka akalain niya, lahat tayo ay kaya na lang niyang sindakin,” pagwawakas ni Jobert Sucaldito.
MARAMI ANG PINAIYAK sa pagbabalik ni Willie Revillame sa telebisyon para sa bago niyang programang Willing Willie, kung saan ay nag-pilot ito noong Sabado ng gabi.
Totoo, saksi kami kung paanong nagsiksikan ang maraming fans ni Willie at basag na basag ang aming emosyon nang makita naming maraming senior citizen ang hindi nakapasok sa bakuran ng Kapatid station.
Pagkatapos mapanood ang first episode ng Willing Wilie, agad na nag-meeting ang mga big boss ng TV5, kung saan ang lahat ay kumbinsidong tama ang kanilang naging desisyon na tanggapin si Willie bilang bagong miyembro ng Kapatid network.
“Tuwang-tuwa ang mga big boss dahil lalong lalakas ang TV5.” Sabi iyon ng isang insider ng TV5, na nagsabi pa ng ganito, “Two years from now o baka hindi na abutin ay malagpasan na ng Singko ang Channel 7 at Channel 2.”
Sa kabuuan, maganda, masaya at talaga namang touching ang bagong programa ni Willie sa Singko. Bagay na babago sa primetime show na kinagisnan na nating lahat. “Tama na ‘yung puro drama, sa masaya naman tayong programa,” say iyon ni Willie sa kanyang pagtatapos.
Ang Willing Willie ay mapapanod Lunes hanggang Biyernes mula 5:30 hanggang 7:30 ng gabi at kapag Saturday naman ay 6:00 p.m. hanggang 8:00 p.m. Kita-kits tayo, mga Kapatid!
AMINADO SI SARAH Geronimo na mahina talaga ang programa niyang Idol kaya napaaga ang pagkawala nito sa ere. Bagay na hinangaan sa kanya ng maraming manunulat dahil hindi lahat ng artista ay marunong magpakatotoo.
Ibang klase si Sarah dahil alam niya kung saan siya dapat lumugar at alam niya ang salitang pagpapakatotoo. “Wala naman po tayong magagawa kung hindi po ito malakas sa rating, talent lang ako ng Dos kaya sumusunod lang ako sa management kung ano ang gusto nilang gawin sa programa ko.”
Sa totoo lang, bilib ako kay Sarah dahil totoo lang siya sa kanyang mga sinasabi. At least, hindi siya tulad ng iba na totoo na nga ay itinatanggi pa.
“Kailangan ni Sarah si John Lloyd Cruz para makabangon uli ang career niya,” pahayag iyon ng isang taong taga-ABS-CBN. Mukhang may katuwiran, dahil mula nang tanggihan ni Sarah ang project na muling makasama si John Lloyd ay nagtuluy-tuloy na ang kamalasan ng kanyang career, na sinimulan ng Hating Kapatid nila ni Judy Ann Santos na hindi masyadong tinanggap ng publiko.
More Luck
by Morly Alinio