BUKOD SA pagiging mahusay na host at actor, pangarap din ni Marvin Agustin na makapag-produce ng shows na hindi lang magbibigay ng premyo kundi ng kaalaman sa pagnenegosyo at pagtupad sa pangarap ng mga Pilipino na umasenso sa kani-kanilang buhay.
Kaya naman naisipan nitong mag-produce ng Karinderya Wars, sa pakikipagtulungan ng TV5, Knorr at Alaska, na magsisimulang mapanood sa April 8, Monday to Friday bago mag-Wowowillie. Kaya naman very thankful daw ito sa TV5 sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makapag-produce ng ganitong klaseng show.
Tsika nga ni Marvin, “It’s been my dream to produce TV shows at dito ako nabibigyan ng chance and I’m happy and thankful sa TV5. Ang sarap magprodyus ng show na nagbibigay katuparan sa mga pangarap ng tao. Hindi lang masarap at magaling magluto ang hanap ng show, search din ito sa next “luto-negosyo” star ng bansa.”
Ang siyam na kalahok na umaasang makapag-uuwi ng P1-M prizes at scholarship sa Center for Culinary Arts ay sina Aiman Perea, Vivian Pinlac, Cesar Enriquez, Rose Estanol, Mary Jane Ahunciacion, Rona dela Rosa, Sha-Sha Resimolo, Aashish Mirpuri, at Agot Evangelista.
PANIGURADONG MARAMI ang makami-miss kay Gelli de Belen na pansamantalang humalili kay Amy Perez bilang host ng top-rating show na Face to Face, dahil simula sa Lunes ay balik-show si Tsang Amy Perez sa bago nitong time slot na 4:30 pm.
Makakasama pa rin dito ni Tsang Amy si Hans at ang Trio Tagapayo na sina Atty. Persida Acosta at Atty. Benedicto Acosta Jr., Fr. Sonny Merida at Dr. Camille Garcia.
At sa pagbabagong bihis at time slot ng show ay may dagdag silang segment na talaga namang malaking tulong sa loyal viewers nito. Ito ang partnership nila with TESDA, kung saan tutulungan ng show ang mga Pilipino na dapat tulungan.
MASAYANG-MASAYA ANG singer/actor na si Arkin Del Rosario dahil positibo ang naging pagtanggap ng mga tao sa kanyang first movie na Pagari, Mohammad Abdulah na ipinalabas kamakailan at tumagal ng ilang linggo sa SM Cinemas.
At kahit nga first movie ito ni Arkin ay marami ang humanga sa kanyang husay sa pagganap bilang si Abdulah sa Pagari at inihahalintulad nga ng ilang nakapanood nito ang husay sa pag-arte ni Arkin kay Coco Martin na nagsimula rin sa paggawa ng indie film.
Flattered nga si Arkin everytime na may magsasabi sa kanyang para siyang si Coco nang nagsisimula itong gumawa ng pelikula, may lalim umarte at maganda ang rehistro sa camera.
“Nakaka-flatter po ‘yung makumpara nila ako kay Coco, kasi napakagaling na actor niya. Pero nagpapasalamat na rin ako sa mga taong nagsasabing puwede akong maging next Coco Martin. Sa lahat kasi ng trabahong ginagawa ko, ibinibigay ko ‘yung 100% ko para maging maganda ang resulta ng trabaho ko. Sayang naman po kasi ‘yung opportunity na ibinigay sa akin kung hindi ko gaga-lingan.”
Kaya naman daw napi-pressure si Arkin dahil after Pagari ay may next movie na siya under Viva Films, ang Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi, kung saan makakasama naman nito sina Gabby Concepcion, Alice Dixson, Andi Eigenmann at Cristine Reyes.
John’s Point
by John Fontanilla