ONE YEAER in the making bago naipalabas ang fantaseryeng Little Champ ni Sen. Lito Lapid. Pero sa unang linggo pa lang nito, humataw agad sa taas ng rating. Nakakuha agad sila ng 17 percent base sa datos ng Kantar Media. Lalabas na ngayon Lunes ang character ng hari ng aksiyon na si Lito bilang si Amang Leon.
Nang gawin ni Sen. Lito itong bago niyang fanteserye, nakaramdam pa rin ng takot ang action star na baka hindi siya kagatin ng manonood. “Para ngang baguhan ako, malaki ang pagkakaiba noon at ngayon. Siyempre, hindi mo maiaalis sa akin ‘yan. Nanganganay uli ako, ‘yung ‘Jess Lapid Story’ ganu’n din ang naramdaman ko. Maraming nag-aalok sa akin, kasi noong araw, sa lahat ng artista at action stars, kami lang ni FPJ ang walang TV series. Kaya sinasabi ni FPJ, kapag kinukuha siya, ‘Sige, tatanggapin ko ang offer ninyo pero kausapin muna ninyo si Lito. Kapag tinanggap ni Lito, tatanggapin ko rin ‘yan’. Sinabi ko rin ‘yan, kapag tinanggap ni FPJ, tatanggapin ko rin. Nang mawala na siya, kailangan ko nang magdesisyon,” say niya.
Sinabi ni Lito, itong fantaserye ang hinahanap niyang project na gusto niyang gawin. Kapag sinabing may kabayo, kasama si Leon Guerero, Lito Lapid kasi, ‘yung mga pelikula niya noong araw at itong show ay pambata kaya nakita ng producer na bagay sa kanya.
Kahit nagkaedad na si Sen. Lapid, matikas pa rin ang kanyang pangangatawan kaya’t hindi siya nahirapang gawin ang mga action scene. Simpatiko pa rin ang senador sa paningin ng publiko.“Pinipilit na lang, para ngang nanigas na ‘yung mukha ko sa tagal na walang acting,” pabirong sabi niya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin tumitigil sa kakaensayo ang senador dahil lagi siyang naghihintay na may magandang offer na dumating. Sa showbiz niya binuhay ang kanyang pamilya, kahit senador na si Lito, hanap-hanap pa rin nito ang pelikula.
Inamin ni Double L na tuluy-tuloy na ang pagbabalik-showbiz niya dahil nasa puso pa rin niya ang pag-aartista. “Parang retirement ko na rin ito sa Senado, dahil hanggang 2016 na lang ako. Ready na akong makabalik sa pelikula. Itong Little Champ, drama na hinaluan ng action dahil kailangan. Ito po ang pinaka-heavy drama ko. Sabi ko nga kay Direk, patalunin mo na ako, pasakayin sa kabayo, huwag mo na akong paiyakin. Hindi sanay ang mata kong lumuluha. Marami akong eksenang drama, talagang piniga ako ni Direk. Nakakapagod ang drama kaysa sa action,” pahayag ng butihing senador.
Ayaw munang magsalita si Sen. Lapid kung may balak pa siyang tumakbo sa darating na eleksiyon. “Ayaw kong magsalita nang tapos. Dahil sa pulitika, wala naman akong plano, puro ayaw ko, ayaw ko, tapos nand’yan pa rin ako. So, bahala na kung ano ang darating. Sa ngayon, mas gusto ko ang showbiz, ito ngayon ang priority ko. May pinaplano kami ngayon ng Star Cinema ang ‘Kasunduan’. Ang original plan na nasa cast ay si Daniel Padilla pero sumikat siya. So, medyo mahirap nang kaunti, sana nga matuloy.”
Natatawang ikinuwento ni Lito na nahirapan siyang mag-heavy drama dahil nga dating action superstar ang senador. “Parang hindi bagay sa akin, sa tingin ko. Kasi, parang nakikita ko si Fernando Poe, Jr. na pinaiiyak mo. Mai-imagine mo, matitigas na action star, tapos iiyak. Ako, ginawa ko ‘yun para sa teleseryeng ito. Gusto kong patunayan na artista rin ako.”
Wala namang conflict kay Sen. Lapid ang schedule niya sa Senado dahil pareho lang sila ni Sen. Bong Revilla na actor/politician. Laging nag-uusap ang dalawa na sana’y bumalik ang action dahil maraming stuntman at extra silang matutulungan. Dati nang producer si Lito, ang huling pelikulang ginawa niya ay ang Tatlong Baraha.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield