NOON PA KUMIKILOS si Angel Locsin sa mga social issues na pinaniniwalaan at inilalaban niya na iilan lang ang nakakaalam.
Walang publisidad. Walang media coverage at para sa kaalaman ng nakararami na kuda ng kuda at ngawa ng ngawa sa social media at nambu-buwisit sa magandang ginagawa ni Angel, na ‘di hamak mas may katuturan kaysa sa ginagawa nila na walang wawa kundi ang manira, mang-intriga, mambash sa kanilang social media accounts, gusto kong i-share sa inyo ang naisulat namin noon sa Pinoy Parazzi tabloid na maaaring magbigay liwanag sa mga madidilim nilang kaisipan at bitterness sa buhay.
Isinulat ko sa kolum ko na Reyted K noong 2015 tungkol sa isang kaganapan sa buhay ni Angel in 2009 ( that was 8 years ago) ay gusto ko lang i-share ito sa lahat.
Lately ko lang hinangaan si Angel Locsin bilang isang tao, lalo pa’t napag-alaman ko at aprub sa akin ang kanyang mga mithiin at paniniwala sa buhay. Bilang isang artista, mahusay siyang umarte. Magaling siya at hindi pipitsugin sa hanay nila.
Sa likod ng kanyang glamorosang buhay-showbiz, ang hindi alam ng publiko lalo na ng kanyang mga tagahanga at mga tagasuporta, hindi siya pang-karaniwaan. Hindi lang showbiz ang alam ni Angel dahil marahil sa kanyang kapatid na si Angela at tiyuhin na si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, maganda ang pundasyon ni Angel para lalong maintindihan niya ang mga bagay-bagay na nangaganap sa kanyang kapaligiran lalo na sa ating lipunan.
Mainit ang isyu ng mga pagpatay sa mga Lumad sa CARAGA noon. Maging si DILG Sec. Mar Roxas (during that time); gustong makisawsaw (dahil malapit na ang eleksyon), pero butata at biglang nawalan ng “pogi” points dahil sa kanyang pag-eksena na waley rin naman knows sa tunay na isyu.
Daig pa siya ng aktres na wala namang intensyon or hidden agenda na ipaalam sa publiko ang kanyang sentimiyento at posisyon hingil sa militarisasyon sa naturang rehiyon, kung saan biktima ang mga Lumad leaders na ang ilan ay namatay at maraming mga nagsipag-alisan sa kani-kanilang mga bahay para makaiwas sa kaguluhan, na ayon sa mga reports ang paramilitary group na Mahagat-Bagani Force ang may kagagawan.
Ang kanyang karanasan sa pakikipagsalamuha noon sa mga naging biktima ay isinulat ni Angel sa “Pinoy Weekly” (www.pinoyweekly.org) na isang organisasyong non-profit na naglalayong idemokratisa ang praktika ng pamamahayag sa bansa. Nag-share ang aktres ng kanyang kakaibang karanasan sa kanyang exposure trip sa Mindanao almost eight years ago na ngayon. Narito ang kabuunan ng kanyang isinulat:
“Nung nabalitaan ko ang brutal killings sa community ng mga Lumad, sinilip ko ang pictures naming noong nag-exposure kami sa lugar na ‘yun noong 2009. Dito nakangiti pa sina Tatay Emok at Kuya Dionel…Nakakalungkot na isipin na ganito ang sinapit nila, na ang kagustuhan lang naman nila ay magandang edukasyon para sa mga anak nila at sa susunod na henerasyon at maayos na pamumuhay.
“Mababait sila, mahiyain, masisipag ang mga bata at nakakatuwa na zero-crime rate ang lugar nila. Nakita ko kung paano sila nagtutulungan bilang isang komunidad at kung paano nila pinagsisikapan ang kanilang mga pangarap. Ramdam ko kung paano nila pinapahalagahan ang kanilang paaralan at komunidad, ang nutrisyon, kalusugan, ang kalikasan, at kapwa tao.
“Naalala ko nung nagpunta ako dun ay kailangan pa naming magtago sa loob ng pick-up para malagpasan ang napakaraming military checkpoints kahit kasama na namin ang Mayor ng lugar. Nalaman namin na kahit silang mga tagaroon ay mas hinihigpitan pa sa pagpasok sa sarili nilang lugar. Kailangan pa ba nilang magpaalam kung pupunta sila sa kanilang “yutang-kabilin” (ancestral domain)? Bakit may paramilitary? Kung sanctuary ang mga paaralan, bakit may presence ng military kung saan puwede sila madamay sa conflict at magkaron ng takot — not to mention ‘yung grabeng psychological effects sa mga kabataan?
“Nung huling gabi namin sa Alcadev (Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development), nangako kami na ibabahagi namin ang kanilang karanasan sa marami pang tao. Tulungan n’yo po kami para mas maihatid po ang kuwento nila sa mas nakakarami.
“Nakikiisa ako sa panawagang respetuhin ang kanilang kultura at karapatan. At naniniwala ako na ang isang eskuwelahan ay sentro ng edukasyon at isang sangktuwaryo — at ang presensiya ng militar ay hindi nararapat. Panawagan ko rin ang katarungan para sa mga pinaslang.”
Ikaw na nagpapalaki lang ng yagbols. Ikaw na tsismosa na nakahilata lang na mahilig sumawsaw at ang litrato sa name handle sa social media ay walang mapagkilanlan at walang lakas ng loob magpakilala ay dapat na mahiya sa mga tunay na lumalaban na ang buhay ay ipinagsasapalaran para sa kapayapaan at katiwasayan ng nakararami!
Kaloka kayo mga bashers, “mema” lang. Ganun lang. Wala pala silbi sa mundo.
Reyted K
By RK VillaCorta