Parang kahapon lang…

SABI NILA, wala na ngang permanente rito sa mundo kundi ang pagbabago. Pero tingnan mo nga naman ang pagkakataon, ang pagbabago ngayon ay para lang chickboy, konting lingat may bago agad. Parang katulad ng nangyayari ngayon, ang nakaraang sampung taon tila ay kahapon lamang naganap.

Kung ngayon, tinta ng marker ang inaaksaya natin dahil sa whiteboard ang ginagamit natin sa paaralan. Noon, umuuwi tayo nang may patse-patse ang uniporme dahil sa chalk na ating ginagamit sa pagsusulat sa blackboard. Nakatatawa dahil nag-level up pa nga tayo noong elementarya dahil may dustless chalk na naimbento.

Kung ngayon, kinukuhanan na lang natin ng larawan ang mga lecture ng ating professors na naka-PDF o Powerpoint Presentation, dati halos magpakapagod-pagod tayong kumopya sa ating mga kuwaderno ng mga lessons ni teacher na nasa manila paper o cartolina pa.

Kung ngayon, pabilisan na tayo ng internet connection dahil tayo ay naka-DSL o broadband nga at kung minsan pa, ‘yung iba sa ating rich kid naka-pocket wifi pa, noon, mayroon lamang tayong internet prepaid card na nilo-load-an lang. ‘Yung tipong ang trenta minutos na internet ay katumbas ng trenta pesos natin.

Kung ngayon, sa bawat assignment na ibinibigay sa atin ng mga guro ay Google agad ang ginagawang solusyon, tila’y isang click lang sa search engine na ito ay makukuha mo na ang sagot sa assignment mo, noon, matiyaga pa nating binabasa ang mga textbook para makuha ang sagot.

Kung ngayon, enjoy na enjoy na tayo sa ating nilalarong games sa computer tulad ng Pacman, Pinball at Solitaire, aba! Ngayon yata nagkalat na online ang iba’t ibang klase ng laro na babagay sa personalidad mo. Mayroon pa ngang mga website tulad ng y8.com na halos lahat ng klase ng laro naroon na!

Kung ngayon, ang mga kababaihan ay mahilig magbahay-bahayan sa pamamagitan ng Sims. Ito ay laro sa computer kung saan ikaw mismo ang gagawa at magdisisenyo ng iyong bahay. Puwede ka pang pumili ng mga tao na patitirahin mo sa bahay at aalagaan mo. Noon, nakikita nang husto ang kanilang pagiging malikhain at maparaan sa paggamit ng mga kumot, kurtina, at kung anu-ano pa sa paggawa ng kanilang bahay. Dati rin, mayroon ang halos lahat ng babae ng tamagotchi. Naaalala n’yo pa ba ito? Ito ‘yung parang pager na kung saan may aalagaan kang pet.

Kung ngayon, adik na adik ang mga kalalakihan sa DoTA at ‘yung tipong kaya nilang magdamag sa computer kakalaro nito, noon, aktibo pa sila sa mga pisikal na laro tulad ng agawan-base, tumbang-preso, luksong-baka at at marami pang iba.

Marami pang pagbabago ang naganap na paniguradong makare-relate tayong mga bagets. Kung iisa-isahin, baka nga hindi na tayo matatapos. Teknolohiya ang responsable sa mga pagbabago at inobasyon na ito. Ang motibo ng mga ito ay pagaanin at pabilisin ang mga trabaho sa mabuting paraan. Huwag itong abusuhin na ‘yung tipong lahat ay inasa mo na sa teknolohiya. Halimbawa, hindi mo na pinag-iisipan at binabasa ang ginagawa mong assignment dahil nakakopya ka kaagad sa Google. Maling-mali iyon dahil tinuturuan mo ang sarili mong maging tamad at walang alam.

Usapang Bagets

By Ralph Tulfo

Previous articleBukambibig 11/13/13
Next articleK-Pop Supertar Nichkhun, tumulong sa mga nasalanta ng lindol at bagyo

No posts to display