Dear Atty. Acosta,
ANG KAIBIGAN KO po ay pinilit magpakasal ng kanyang mga magulang noong February 9, 2009. P’wede po bang mabawi ang kasal? – Mercedita
Dear Mercedita,
MAY MGA KASAL na itinuturing na depektibo sa ilalim ng batas. Bagaman ang mga ito ay balido at may bisa, maaaring hilingin sa korte na mapawalang-bisa ang mga ito. Sa kaso ng inyong kaibigan, kung siya ay pinilit o tinakot upang magpakasal at dahil lamang sa pamimilit o pananakot kaya siya pumayag sa kasalang naganap, maaari siyang magsampa sa hukuman ng kaukulang petisyon upang mapawalang-bisa ang kanyang kasal. [Art. 45(4), Family Code of the Philippines]
Hindi maaaring pilitin ng sinuman, mga magulang man ito, na magpakasal ang isang tao. Ang pagpapasiya na magpakasal o hindi magpakasal ay personal na desisyon ng isang tao. Sa pagkilala ng batas dito, itinuturing na “voidable” ang mga kasal na naganap kung saan ang pagpayag sa kasal ng isa sa mga partido rito ay natamo lamang dahilan sa panloloko, pananakot, pamimilit, at maling paggamit ng impluwensiya. [Art. 45(3), (4), Family Code of the Philippines]
Ang mga kasal na itinuturing na “voidable” o depektibo sang-ayon sa batas ay maaaring ipawalang-bisa sa harap ng hukuman. Subalit mayroon lamang takdang panahon upang magsampa ng ganitong petisyon at kapag nakalipas na ang takdang panahon, hindi na maaari pang ipawalang-bisa ang kasal. Ayon sa batas, kung ang pagpayag ng isang partido sa kasal ay nakuha lamang sa pamamagitan ng pamimilit, pananakot o ma-ling paggamit ng impluwensya, mayroong limang (5) taon mula nang matigil ang nasabing pamimilit o pananakot, ang partidong pinilit o tinakot, upang makapagsampa ng kaukulang petisyon upang maipawalang bisa ang kanyang kasal. [Art. 47(4) kaugnay ng Art. 45(4), Family Code of the Philippines]
Ang pagpapawalang-bisa ng isang kasal ay maaari lamang gawin ng hukuman pagkatapos na mapatunayan ng partidong nagpetisyon na may dahilan na naaayon sa batas upang ipawalang-bisa ito. Hanggang walang desisyon ang hukuman na nagpapawalang-bisa sa kasal, nananatiling balido at may bisa ang nangyaring kasal.
Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV5.
Atorni First
By Atorni Acosta