DISMAYADO ANG BUONG angkan ni James Yap sa nangyari. Awa ang naramdaman ng mga angkan ni James sa basketbolista dahil bago pa pala ito magdesisyon noon na magpakasal kay Kris Aquino, halos lahat ng mga kamag-anak ng MVP ay nagbigay-payo.
“Actually napakabait na bata ni James. Hindi natin madi-deny na lapitin siya ng mga babae. Pero lapitin siya, hindi dahil siya ang may gusto. Pagdating kasi sa mga babae, ang lakas talaga ng appeal ng batang iyan,” pahayag ng aming source na malapit na kamag-anak ni James, na nagsabi ring bukod sa “mabait” ay masyadong pasensiyoso pa ito.
Sa kabilang banda, inaasahan ng pamilya ni James na magiging madali ang pagsasawalang-bisa ng kasal nina James at Kris.
“Siguro para sa amin, mabuti na rin ‘yun para manahimik na lahat. Pero sana, huwag alisin ni Kris ang karapatan kay Baby James. Dahil bali-baligtarin man ang mundo, anak niya iyon.”
Taus-puso ang ginagawang pagsisisi at pakikipag-ayos daw ni James kay Kris. Pero “pride” na raw ang dahilan kung bakit imposibleng “baliin at bawiin” pa ni Kris ang mga nauna nitong desisyon.
“Sa pagkakaalam ko, mahal pa rin ni Kris si James, pero dahil sa pride kaya pangangatawanan na niya kung anuman ‘yung mga sinabi niya noon,” pagwawakas ng kausap namin.
BUKAS ANG KAISIPAN at pananaw ni John Lloyd Cruz sa usaping Toni Gonzaga dahil malapit na nilang simulan ang shooting ng gagawin nilang pelikula under Star Cinema. Pero biglang nahalinhan nang mapait na ngiti nang itanong namin sa kanya kung ano ang kanyang komento ngayong masaya na si Ruffa Gutierrrez sa manliligaw na si Cesar Flores. “Huwag na, tama na. Huwag na natin siyang pag-usapan,” ‘yun lang ang nasabi ni John Lloyd.
Sa kabilang banda, wala ring nakikitang masama si John Lloyd kung hindi na muna sila gagawa ng pelikula ni Sarah Geronimo. “Siguro dahil masyadong maaga kung magkakaroon na nang part 3 ‘yung movie namin. Sa napanood ko kasing interviews niya e, wala naman siyang masamang sinabi againts me at kung ang desisyon niya ay huwag muna kami uling magsama in one movie, iginagalang natin iyon,” sey ni John Lloyd.
KAILANGANG KUMILOS ANG Simply KC staff dahil any moment ay posibleng sibakin ang nasabing programa. Bukod kasi sa hindi ito nakakukuha ng matataas na ratings, walang dating ito sa viewing public.
Ewan, pero parang may kulang kay KC kapag siya ay nasa harap na nang sarili niyang programa. Para bang kahit anong ganda ng segment na kanyang inihahain sa publiko ay walang dating iyon. Kumbaga sa ulam, masarap lang tingnan pero kulang sa lasa.
Hindi natin tinatawaran ang kakayahan ni KC o ng buong staff ng simply KC, pero baka lang may nakaliligtaan silang “sahog” kung bakit kahit anong ganda ng presentasyon na kanilang gawin, hindi pa rin ito kinakagat ng mga manonood. Kaya no wonder kung isang araw, tsugi na rin ito sa ere.
More Luck
by Morly Alinio