Bumabaw ang nanggagalaiting-loob ng mga Igorot habang humahagulgol na humihingi ng patawad ang aktres na si Candy Pangilinan sa harap ng Sangguniang Panglungsod ng Baguio at sa mga taong dumalo sa session hall, noong Lunes ng hapon.
Sa taus-pusong paghingi ng apology ni Candy, hindi nito napigilan ang tumulo ng luha,kaya’t malaki ang paniniwala ng Konseho, na majority ay mga full-blooded Igorot (FBI), na nakabawi na sila sa pag-amin ni Candy sa kanyang kamaliang nabigkas sa kanyang Mother’s Day show sa SM Baguio noong Mayo 9.
Sa nasabing show, sinabi umano ng komedyanteng host ang “Akala n’yo Igorot ako? Hindi ako Igorot, tao po ako.” Sa binitiwan niyang iyon, inakala ng aktres na matatawa ang audience, sa halip, marami ang nagalit.
Hindi kinatigan ng mga city officials at concerned groups na pawang Igorot ang ginawang apology ni Candy sa telebisyon, sa halip, ipinasa ng Konseho ang resolusyong nagtaktakda kay Candy bilang “persona non grata” sa Baguio.
Umalma rin sina Ifugao Gov. Teddy Baguilat, Jr. at Mt. Province Gov. Maximo Dalog sa isyung ito, at maging ang Integrated Bar of the Philippines-Baguio Chapter ay nagsampa rin ng kaso laban kay Candy.
Pagdating sa city hall, unang nagtungo si Candy kay Mayor Reinaldo Bautista, Jr., at personal na humingi ng apology, na tinanggap naman ng alkalde. Sinamahan si Candy ni Baguio City Congressman Mauricio Domogan sa pagharap sa Session Hall, kung saan dagsa ang mga tao, para tignan ang reaksiyon ni Candy.
Matapos basahin ni Candy ang kanyang apology letter, isa-isang nagsalita ang mga city councilors na tinatanggap ang kanyang pag-amin at paghingi ng tawad. Kasama ni Candy ang kanyang inang si Dory at malalapit na kaibigan.
Ayon kay Mayor Bautista, ang nangyari kay Candy ay isang aral sa sinuman, na dapat ay respetuhin ang kultura at tradisyon ng isang tribu, mapa-highlander man o lowlander.