“PIOLO!!!”
Paulit-ulit naming narinig ang sigaw na ‘yan sa loob ng CCP hall nang lumabas si Piolo Pascual sa entablado. Halos sa bawat hinto niya sa kanyang mensahe, nagsisigawan ang kanyang mga tagahanga. Sabi nga ng kasama ko, akala raw niya, nasa Megamall siya at uma-attend ng premiere night ng isang romance movie. Naispatan rin namin si KC Concepcion, ang magiging kapareha ni Piolo sa Lovers in Paris.
Bilang isang taong mahilig sa pelikulang pilipino, labis akong natutuwa dahil pumayag si Piolo na gawin ang pelikulang Manila at naging isa pa sa producers. Bakit? Kasi ito ay nangangahulugang marunong siyang bumalik at lumingon sa kanyang pinanggalingan – indie films.
Naaalala n’yo ba ang Lagarista? Palagay ko, kakaunti lang ang nakakaalala sa pelikulang iyon. Pero alam n’yo bang dahil sa natatanging pagganap ni Papa Piolo bilang taga-deliver ng rolyo ng pelikula sa mga sinehan (lagarista), umani siya ng papuri at kalauna’y naging isang mainstream actor na rin?
Marami ang naging curious sa Manila dahil ipinalabas ito sa 61st Cannes Film Festival bilang isa sa exhibition films. Nakatakda rin itong makipaglaban sa iba pang bansa. Marami kaming papuri na narinig mula sa foreigners na nakapanood ng pelikula. Bilib sila sa acting at over-all feel ng pelikula. Isipin n’yo na lang na panahon pa rin nina Bernal at Brocka ngayon.
Kung para sa mga taga-ibang bansa, maituturing nilang purely indie film ito, paniguradong iba naman ang magiging dating sa atin. Puwede na rin kasing ituring na isang parade of stars ang nasabing pelikula dahil puro may pangalan ang mga gumanap ng malalaki at maliliit na papel. Nariyan sina Rosanna Roces, Angelica Panganiban, Jay Manalo, Alessandra de Rossi, Baron Geisler, Mark Bautista, Iza Calzado, Jon Avila, William Martinez, John Lapuz, Katherine Luna, Cheryl Mercado, Marissa Delgado, Jiro Manio, Menggie Cobarrubias, Aleck Bovick at Ms. Anita Linda. Parang soap opera lang sa primetime, ‘no?!
Ang pagsugal ngang ito Piolo sa isang indie film ay isang magandang senyales at baka makahatak din ng iba pang malalaking artista na pasukin na rin ang indie films. Dahil sa ginagawang pagtulong ni Piolo sa industrya ng pelikula, lalong marami ang mapapasigaw ng ‘I Love You, Piolo!’ Keep it up!
By Mica Rodriguez
Photos By Mark Atienza and Parazzi Wires