ANG ISLA na nga ng Boracay ang isa sa pinakasikat na destinasyon ng mga turista. Hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo. Kung tutuusin napakaliit na isla lamang ng Boracay pero samu’t sari at kabilaan ang mga awards na natatanggap nito mula sa mga iba’t ibang travel publications at travel agencies.
Maliban kasi sa puting buhangin ng Boracay, kinilala rin ito bilang nangungunang destinasyon kapag pampa-relax ang hanap mo. Alam n’yo ba, noong taong 2012 lamang ay pinarangalan ang Boracay bilang “Best Island in the World” ng isang sikat na sikat na travel magazine sa buong mundo, ang Travel + Leisure.
Ang maganda rin sa Boracay ay ang mga iba’t ibang activities na puwedeng subukan dito. Hindi lang water activities dahil maging land activities ay nakapapanabik din dito. Ang ilan sa mga halimbawa ng land activities ay ang ATV, Sky Cycling, Museum at Zoo. Kapag water activities naman ang pinag-uusapan, hindi puwedeng mawala riyan ang island hopping kung saan ipapasyal ka sa mga karatig-isla. Pinakatanyag diyan ay ang Puka Beach. Kasama rin sa package ng water activities ang snorkeling, cliff diving, flying fish, banana boat, jetski, scuba diving, helmet diving, parasailing at marami pang iba.
Lalo pang naging tanyag ang isla ng Boracay lalo na sa mga bagets dahil sa pinakasikat na party sa beach kapag summer, ang Labor Day Weekend in Boracay o mas kilala sa tawag na LaBoracay! Karaniwang ginagawa ito sa unang linggo ng buwan ng Mayo at dinadaluhan karaniwan ng mga party people partikular na ang kabataan. Kahit maging mga sikat na personalidad ay nakiki-party rin sa LaBoracay. ‘Yung iba pa nga, matagal pa lang, nagbu-book na agad ng flight at hotel accomodations para iwas sa mataas na singil ng presyo. ‘Yung iba naman, promo fare ang mga kinukuha. Bakit? Dahil malamang sa malamang, lahat magtaasan sa Boracay kapag bakasyon lalo na kapag petsa ng LaBoracay.
Kapag LaBoracay kasi, hindi lang iisang party ang nagaganap kundi marami. Mayroon sa Station 1, 2 at 3. Kahit saan puwedeng maki-party! Taun-taon, idinadaos ng Nestea Beach Event sa Boracay sa loob ng 16 na taon at sa kauna-unahang pagkakataon, sa kanilang ika-17 anibersaryo, gagawin ang nasabing event sa LaBoracay. Isa ang Nestea Beach Event sa pinakasikat na kasiyahan na idinaraos sa Boracay. Sa taong ito, ang tema ng Nestea Beach Event ay “Play, Party and Chill”. Tatagal ito ng apat na araw kaya paniguradong apat na araw rin ang hangover na maidudulot nito sa lahat ng dadalo.
Kung nakadalo ka na sa Nestea Beach Event noong mga nakaraang taon at gusto mo naman ng ibang party, mayroon din namang iba pang party events tulad ng Republiq Beach Club, Sunkissed 2014 at Sundazed Boracay 2014.
Kulang pa ‘yan sa listahan ng magaganap sa LaBoracay ngayong taon. Dahil marami pang special events summer-themed party ang mangyayari riyan na i-sponsor ng iba’t ibang organisasyon. Kaya ano pa ang hinihintay n’yo? Makidalo na sa pinakasikat na beach party ng bansa, ang LaBoracay!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo