MAGDADALAWANG TAON NA ang asawa ko sa Saudi. At sa loob ng dalawang taong yaon, panaka-naka lang ang pagre-remit niya ng sustento at katiting lang ang kanyang ipinapadala. At kung may ipinapadala man siya, ito ay pinapadaan niya sa mga kabarkadang umuuwi rito. Ayon sa kaibigan ko, ang malaking bahagi ng remittance niya ay pinapadala niya sa mga magulang at kapatid niya. ‘Di po ba sapilitan ang remittance na iyan? Wala po bang pananagutan ang asawa ko sa pamilya o sa gobyerno? — Lilia ng Bayombong, Nueva Vizcaya
MANDATORY O OBLIGADO para sa lahat ng OFW ang pagre-remit ng kanyang kita sa pamilya niya sa Pilipinas. Sa katunayan,
kailangang patunayan niya na pinapadaan niya sa mga opisyal na daluyan ang kanyang remittance. At mapapatunayan ito sa pamamagitan ng (1) kumpirmadong bank remittance form; (2) certification mula sa employer na nag-remit siya; (3) certification ng bangko o credit/payment advice na patunay ng pagbenta ng piso; (4) resibo ng BSP para sa nabentang foreign exchange; o (5) resibo ng International Postal Money Order.
Kung hindi nag-remit ang asawa mo, maaaring hindi ma-renew ang kanyang passport kung hindi niya mapatunayan na sinunod niya ang regulasyon sa remittance. Maaari pa siyang masuspinde o matanggal sa listahan ng mga OFW. At sa mga susunod na paglabag nito siya ay pababalikin na sa Pilipinas. Lahat ng expenses sa pagpapauwi ay sagot niya o ng kanyang employer.
Ang employer naman na hindi sumunod sa kautusan hinggil sa remittance ay hindi bibigyan ng lisensiya at accreditation. Gayundin, walang kontrata ang aaprubahan ang DOLE kung hindi napatunayan ang pagsunod sa remittance.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo