Dear Atty. Acosta,
NAGHIWALAY PO kami ng asawa ko dahil nagkaroon sila ng relasyon nang aking matalik na kaibigan. Nagsasama na sila ngayon. Narinig ko na maaaring kasuhan ng concubinage ang aking asawa at kaibigan. Maaari ba akong magsampa ng kaso nang hindi isinasama ang aking asawa? Nais kong maturuan ng leksyon ang aking kaibigan?
Cheryl
Dear Cheryl,
MAAARING MANAGOT sa krimeng concubinage, ayon sa Artikulo 334 ng Revised Penal Code, ang lalaking may asawa kung dinala niya ang kanyang karelasyon na babae sa bahay nilang mag-asawa o dinala niya ito sa ibang lugar upang kanyang ibahay. Maaari rin siyang managot kung nakipagtalik siya sa babaeng hindi niya asawa sa isang maiskandalong pamamaraan. Ayon sa nabanggit na batas, ang lalaking napatunayang nagkasala sa krimeng concubinage ay mapaparusahan ng pagkabilanggo ng prision correctional in its minimum and medium period. Samantala, maaaring kasuhan ang karelasyon ng nasabing lalaki sa ilalim ng batas na ito bi-lang isang “concubine”. Kung mapapatunayan ang kanyang pagkakasala ay papatawan naman siya ng paru-
sang destierro. Ang parusang ito ay walang kaakibat na pagkabilanggo. Siya ay uutusan lang ng korte na huwag pumunta o lumapit sa lugar na nakasaad sa utos sa lawak na hindi hihigit sa 250 kilometro at hindi bababa sa 25 kilometro (Artikulo 87, Revised Penal Code).
Sa iyong salaysay, meron kang batayan kung sakaling magsasampa ka ng kasong concubinage laban sa iyong asawa dahil nagsasama na sila ng iyong kaibigan. Ngunit kahit pa dalawa silang nagkasala sa iyo, hindi maaaring ang kaibigan mo lang ang iyong sasampahan ng krimeng concubinage sapagkat kung iyong papansinin, ang lalaking may-asawa ang siyang pinaparusahan ng krimeng ito. Bukod pa rito ang parusa na ipinataw sa “concubine” ay distierro lamang at hindi pagkabilanggo. Samakatuwid, hindi maaaring ang “concubine” lamang ang kakasuhan ng concubinage. Kailangang mong sampahan ang iyong asawa kung nais mong managot ang iyong kaibigan.
Kung susuriin natin ang ating Revised Penal Code, walang kasong kriminal ang maaaring isampa sa “concubine” maliban sa concubinage. Ngunit maaari ka namang magsampa ng isang civil case upang humingi ng danyos dahil sa ginawa ng iyong kaibigan na pakikiapid sa iyong asawa. Kaya lang ay hindi makukulong ang iyong kaibigan dahil ang kasong ito ay nakatuon sa paghingi lamang ng danyos.
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta